ni Gerard Peter - @Sports | October 30, 2020
Bilang paghahanda sa kanyang mga makakalaban sa 2021 Tokyo Olympics, tinutukang maigi ni Irish “Aye’ Magno ang mga boksingerong magiging malaking balakid sa pangarap nitong makamtan ang inaasam na medalya sa Summer Games.
Pinag-aralang mabuti ng 28-anyos mula Janiuay, IloIlo ang mga posibleng makatapat sa women’s under-51kgs flyweight category, partikular na ang mga boksingera mula sa bansang China at India.
Tinukoy ng kauna-unahang Filipina na nagkuwalipika sa Tokyo Olympics na magiging hadlang sa kanyang pag-aasam na matulungan ang bansa na makuha ang mailap na unang gintong medalya sa Olympiad sina six-time flyweight world champion at 2012 London Olympics bronze medalist na si “The Magnificent Mary” Mery Kom Hmangte ng India at 2018 Jakarta Palembang Asian Games gold medalist at 2014 Youth Olympics champion Chang Yuan ng China.
Inaabangan din ni Magno si 2019 Southeast Asian Games flyweight champion Nguyen Thi Tam ng Vietnam na tumalo sa kanya sa 30th Manila edisyon, na hindi pa rin nakakapasok sa quadrennial meet, bunsod ng nangyaring novel coronavirus disease (Covid-10) pandemic.
Bukod kina Mary Kom at Yuan, mahigpit ding makakatapat ng Bachelor of Science in Criminology sa University of Baguio sina Tsukimi Namiki ng Japan, Huang Hsiao-Wen ng Chinese Taipei, Tursunoy Rakhimova ng Uzbekistan, Roumaysa Boualam ng Algeria, rabab Cheddar ng Morocco, at Christine Ongare ng Kenya. “Gusto ko talagang makabawi sa Olympics. Alam kong maraming threat at malalakas na kalaban pero kailangan kong maging handa sa lahat ng makakaharap ko,” pahayag ni Magno, Huwebes ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports on Air sa Facebook page nito na suportado ng GAB, PSC at Pagcor, “Matagal na rin akong nasa boxing at alam kong sa panahon ngayon ng pandemic, tanging sarili ko lang ang tutulong sa akin para mas maging handa. Alam kong hindi sapat yung ginagawa namin na training ngayon, pero kailangan push lang,” dagdag ni Magno, na 12-taon sa amateur sa ilalim ng Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP).
Inamin ng silver medalist na hindi sapat ang kanilang ginagawang pagsasanay sa pamamagitan ng online-virtual training ng national team, na nagsusumikap na mag-ensayo ng dalawang beses sa isang araw, hiwalay pa ang weights training.“Kulang na kulang talaga ang ginagawa naming training. Nahihirapan ako kahit online kase unang kalaban namin is yung internet connection at yung actual training talaga gaya ng box-off ang kailanagn namin. Pero ang sabi na lang lagi sa amin ni coach Boy (Velasco) na mag-antay lang at matatapos din ang pandemic, habang hinahanapan kami ng training bubble ng ABAP,” paliwanag ni Magno sa online session.
Comments