top of page
Search
BULGAR

Magnesium, panlaban sa diabetes, stroke at osteoporosis

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 11, 2021





Dear Doc Erwin,


Ako ay 32 years old at umiinom daily ng Magnesium supplements for two years na. Ito ay inirekomenda ng nutritionist para sa aking hypertension at noon ay tumataas na blood sugar. Pinag-iisipan ko kung ipagpapatuloy ko pa ang pag-inom ng Magnesium supplement. Makabubuti ba ito sa aking kalusugan? – John Joseph


Sagot


Maraming salamat sa inyong pagsulat sa Sabi ni Doc.


Ang Magnesium ay mineral na kinakailangan ng ating katawan upang ito ay maging malusog.


Ito ay itinuturing na essential na macro-mineral at ayon sa National Institutes of Health ng Amerika ito ay importante bilang cofactor sa mahigit na 300 enzyme systems na nagre-regulate ng mga biochemical reactions sa ating katawan upang makagawa ito ng protein, gumana ang ating mga muscles at nerves, maging normal ang pagtibok ng ating puso, ma-control ang ating blood glucose at ma-regulate ang ating blood pressure. Ito rin ay mahalaga upang makagawa ng energy ang katawan mula sa mga nutrients na ating kinain. Kinakailangan din ito sa maayos na pag-develop ng mga buto at paggawa ng genetic material na DNA at ganun din ng RNA.


Ayon sa mga pag-aaral ay mayroon 25-grams na Magnesium ang katawan at more than 50% nito ay nasa ating mga buto, at ang iba naman ay nasa ating soft tissues, tulad ng muscles, nerves at organs.


Sa iyong edad na 32 ay kinakailangan mo ng 420 milligrams kada araw. Sa kababaihan na tulad ng iyong edad ay kailangan nila ng 320 milligrams. Sa mga nagbubuntis at nagbi-breastfeeding ay kailangan nila mula 320 hanggang 400 milligrams ng Magnesium araw-araw. Ito ang mga Recommended Dietary Allowances (RDA) para sa Magnesium, ayon sa Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health ng Amerika.


Ang Magnesium ay makukuha natin mula sa mga pagkain, tulad ng gulay at karne, at makukuha rin natin sa mga inumin, tulad ng tap, mineral at bottled water. Ang madahong gulay, spinach, potato, pumpkin seeds, chia seeds, mani, almonds, kasoy, raisins, white at brown rice ay mayaman sa Magnesium. Ang chicken at beef ay mayroon din Magnesium.


Karaniwan na naa-absorb ng katawan natin ang 30 hanggang 40% ng Magnesium sa ating pagkain at inumin. Kung hindi sapat ang kinakain mo na pagkain na mayaman sa Magnesium ay kinakailangan mo uminom ng Magnesium supplement upang makamit mo ang minimum na RDA for Magnesium na 420 milligrams per day. Marahil ay ito ang dahilan kung bakit inirekomenda ng nutritionist na ikaw ay uminom ng Magnesium supplement.


Inirerekomenda rin na ang indibidwal na may chronic diarrhea, fat mal-absorption, Type 2 diabetes, alcoholic at senior citizens ay uminom ng Magnesium supplements dahil nagkukulang ang kanilang Magnesium intake o kaya ay kakaunti ang na-absorb ng kanilang katawan na Magnesium mula sa kanilang kinakain.


Ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa Magnesium na nabanggit natin, ayon sa mga meta analysis at prospective studies ng mga scientists ay nakababawas ng pagkakaroon ng hypertension, sakit sa puso, ischemic at hemorrhagic stroke.


Makatutulong din ang sapat na Magnesium sa pag iwas sa Type 2 diabetes at sa osteoporosis.


Napag-alaman sa mga pag-aaral na ang kakulangan sa Magnesium (Magnesium deficiency) ay maaaring magdulot ng migraine headaches. Sa pag-aaral na inilathala sa scientific journal na Current Treatment Options in Neurology noong January 2008, maaaring maiwasan ang migraine kung iinom ng Magnesium supplement 300 milligrams dalawang beses sa isang araw. Maaaring inumin ang Magnesium supplement ng nag-iisa o kasabay ng iba pang gamot sa migraine.


Tandaan, huwag uminom ng Magnesium supplement na sobra sa Recommended Dietary Allowances (RDA) para sa Magnesium ayon sa Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health. Sa iyong edad ito ay 420 milligrams kada araw. Ang sobrang pag-inom ng Magnesium supplements ay maaaring magdulot ng pagtatae, pagsusuka at pagsakit ng tiyan. Sa pangkalahatan, ang pagkain ng mga pagkain na mayaman sa Magnesium ay hindi magdudulot ng health risk dahil sa ang sobrang Magnesium mula sa pagkain ay ini-eliminate ng ating kidneys.


Tandaan, maaaring magkaroon ng drug interaction ang Magnesium supplements sa ibang gamot, tulad ng mga gamot sa osteoporosis (oral biphosphonates), antibiotics (tetracycline, doxycycline, ciprofloxacin, at levofloxacin), diuretics (furosemide, bumetanide at hydrochlorothiazide) at mga gamot sa ulcer (esomeprazole at lansoprazole). Kinakailangan na inumin ang mga gamot na nabanggit ng hindi baba sa 2-oras bago uminom ng Magnesium supplement o 4 hanggang 6-oras pagkatapos na uminom ng Magnesium supplement.


Makabubuti kung ikaw ay kukonsulta sa iyong doktor upang malaman mo kung nararapat na patuloy na uminom ng Magnesium supplements.


Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page