top of page
Search
BULGAR

Magna Carta of Filipino Seafarers, ganap nang batas!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Sep. 25, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Masaya kong ibinabalita na batas na ang “Magna Carta of Filipino Seafarers” o ang Republic Act No. 12021. 


Isa tayo sa may akda at co-sponsor ng bagong batas na ito na naglalayong maprotektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga marinong Pilipino, at tiyakin na nabibigyan sila ng patas na pagtrato nasa dagat man o nakadaong. Matagal na nating isinusulong at ipinaglalaban ito, hindi lang para matiyak ang kanilang kaligtasan, kundi para maiangat rin ang antas ng pagmamarino sa bansa.


Ang ating seafarers ang bumubuo sa pinakamalaking bilang ng marino sa buong mundo. Katunayan, 25 percent o isa sa bawat apat na marino sa buong daigdig ay Pilipino! Kaya naman ang Pilipinas ang itinuturing na single biggest nationality bloc sa maritime industry. Malaki ang kontribusyon ng Filipino seafarers hindi lang sa ating ekonomiya kundi pati na rin sa pandaigdigang komersyo.


Kabilang sa mga itinatakda ng Magna Carta ang ilang mahahalagang karapatan ng ating mga marino katulad ng makatarungang terms and conditions sa kanilang trabaho, karapatan na magkaroon ng self-organization, collective bargaining, access sa abot-kayang edukasyon at pagsasanay, at proteksyon laban sa diskriminasyon.


Layunin ng mga probisyong ito na matiyak na ang mga marinong Pilipino ay hindi lang nakatatanggap ng karampatang sahod kundi nabibigyan din ng mga oportunidad para sa kanilang professional growth at napangangalagaan laban sa mga banta sa trabaho.


Itinatakda rin ng batas ang karapatan ng mga marinong Pilipino sa ligtas na paglalakbay, pangangalaga sa kanilang kalusugan, access sa komunikasyon at legal na tulong lalo na kapag may aksidente sa karagatan. Alinsunod din sa batas, makatatanggap sila ng nararapat na sertipikasyon ng kanilang employment records, na isang mahalagang dokumento para sa kanilang pag-angat sa puwesto. Bukod naman sa pangangalaga sa kanilang mga karapatan, binibigyang-diin din sa batas ang mga responsibilidad ng mga marino gaya ng pagsunod nila sa nakasaad sa kanilang employment contracts, at tuparin nang maayos ang kanilang tungkulin.


Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, hangad ko ang sapat at agarang tulong medikal para sa ating mga marino at iba pang OFWs. Itinataya ng Filipino seafarers ang kanilang buhay at isinasakripisyo ang oras kasama ang pamilya. Umaasa tayo na sa pagsasabatas ng Magna Carta, hindi lang tataas ang pamantayan para sa kapakanan ng ating mga marino, magiging modelo rin ang Pilipinas pagdating sa maritime labor rights.


Binibigyan natin ng importansya ang ating OFWs na itinuturing na mga bagong bayani ng bansa. Noong 2021 ay naisabatas din ang RA 11641, o ang Department of Migrant Workers Act, na isa tayo sa mga may akda at co-sponsor. Layunin natin na mapalakas, mapabilis at maging sentralisado ang pagbibigay ng proteksyon at serbisyo sa ating OFWs.


Sa ating kapasidad bilang vice chair ng Senate Committee on Migrant Workers ay nagkakaloob din tayo sa kanila ng maitutulong sa abot ng ating makakaya. Patuloy nating sinisikap na maipaabot ang serbisyo at malasakit ng gobyerno sa mga Pilipino nasaan man sila sa mundo.


Samantala, naging panauhing tagapagsalita tayo noong September 21 sa ginanap na Dr. Carl Balita Review Center Licensure Examination for Teachers (LET) Final Coaching para sa 5,000 aspiring teachers. Bilang chair ng Senate Youth Committee, ipinarating natin ang ating suporta sa kabataan na future leaders at pag-asa ng ating bayan.


Dumalo rin tayo bilang guest speaker sa 26th anniversary at national congress ng COOP-NATCCO, sa imbitasyon nina Cong. Felimon Espares at President Alex Raquepo. Opisyal tayong nakipag-partner sa kanilang grupo upang maipaglaban at isulong ang ating mga adbokasiya para sa kapakanan ng mga kooperatiba.


Noong September 23 ay sinaksihan naman ng aking opisina ang turnover ceremony ng isang ambulansya na ating isinulong para sa Koronadal City, South Cotabato kasama si VM Erlinda Pabi Araquil.


Kahapon, September 24, personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng personal na tulong para sa higit 2,000 residente ng Brgy. 105, Tondo, Manila na naging biktima ng malawakang sunog. Dumalo rin tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay National Congress Cluster 4 na nagtipon sa Pasay City.


Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa pagtulong sa mga nangangailangan. Muli tayong sumuporta sa mga nawalan ng tirahan kabilang ang anim na biktima sa Matalam at apat sa Makilala, North Cotabato; at tatlo sa Lebak, Sultan Kudarat. Sa South Cotabato ay nabigyan din ang dalawa sa Sto. Niño; apat sa Surallah; at tatlo sa Koronadal City. Sa ating inisyatiba ay nabigyan din sila ng emergency housing allowance ng NHA para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng tahanan.


Namahagi rin tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho gaya ng 183 sa Cebu City katuwang si Cong. Marissa Magsino; at 44 sa Polomolok, South Cotabato kasama si Kap. Rogen Ermitaño. Sa Batangas, may 134 na natulungan sa Lemery kaagapay sina Kap. Edward Catibog at VM Geraldine Ornales; 134 sa Taal kasama sina Mayor Pong Mercado at VM Michael Villano; at 50 sa Cuenca katuwang si VM Aurea Pantas.


Inayudahan din ng aking tanggapan ang mga kapos ang kinikita gaya ng 100 sa San Jorge, Samar katuwang si Councilor Rita Rama; at 900 sa Bongabon, Nueva Ecija kaagapay si Cong. GP Padiernos. May tulong din tayong ipinamahagi para sa 1,250 mahihirap sa San Vicente, Camarines Norte kasama si Mayor Jhoana Ong. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.


Natulungan naman natin ang 1,000 mahihirap na residente sa Bago City, Negros Occidental kaagapay si Mayor Niko Yulo. Sa ating pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ay nabigyan din sila ng tulong pinansyal. Nagbigay din tayo ng dagdag na suporta sa 249 scholars ng Batangas State University.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. Pangalagaan natin ang buhay ng bawat Pilipino nasaan man sila sa mundo.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page