ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 22, 2023
Dear Maestro,
Gusto kong malaman kung compatible ba kami ng boyfriend ko at kung kami na ang magkakatuluyan? Magda-dalawang taon na kami, okey naman ang aming samahan kahit minsan ay may tampuhan. May magandang trabaho rin siya, at gusto ko, siya na ang makatuluyan ko.
Magkakatotoo ba ang hiling ko, at walang magiging hadlang sa aming samahan at pag-iibigan? Kung kami na ang magkakatuluyan at magpapakasal kami, ano ang posibleng kulay o motif para sa aming kasal? November 16, 1994 ang birthday ko at June 29, 1993 naman ang birthday niya.
Umaasa, Kyle ng San Gregorio, Laurel, Batangas
Dear Kyle,
Ang zodiac sign mong Scorpio na pinangingibabawan ng elementong water o tubig ay compatible rin sa zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo dahil tulad ng Scorpio, ang Cancer ay kapwa nagtataglay ng elementong tubig o water. Ibig sabihin, sa Western Astrology, suweto talaga ang inyong tadhana at tugma kayo, lalo na kung ang isa sa inyo ay may pagka-chubby ang pangangatawan.
Gayundin, compatible ang inyong birth date kung saan ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay sadyang tugma sa birth date na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) ng boyfriend mo, sapagkat ang numerong 2 at 7 ay kapwa pinaghaharian ng elementong tubig at planetang Moon-Neptune at nagkataong kapwa sila itinuturing na weak number.
Samakatuwid, sa pag-aanalisang Astro-Numerology, tugma o compatible kayo para sa isa’t isa. Dahil sa nasabing mga pag-aanalisa, kayo ang magkakatuluyan at nakatakdang magkaroon ng maligaya, maunlad at successful na pamilya balang-araw.
Gayunman, mapalad na kulay ang berde, dilaw, lavender at pula para sa araw ng inyong kasal, gayundin sa mga pangunahing gamit sa bahay, dapat ganyan ang kulay.
Isaalang-alang mo ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 5, 14, 23, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, sa buwan ng Mayo hanggang Hulyo at Setyembre hanggang Disyembre para sa panahon ng inyong pagpapakasal.
Samantala, ayon sa Decadens ng Kapalaran, Kyle, nakatakdang mangyari ang inyong pagpapakasal, sa taong 2024 o 2025, tinatayang ang papasukin n’yong pagpapakasal ay siya na ring magiging simula ng paglago ng inyong kabuhayan at pagmamahalan, hanggang sa tuluy-tuloy na ring lumigaya at umunlad ang itatayo n’yong pamilya habambuhay.
Comentarios