top of page
Search
BULGAR

Magkano ang itataas ng hulog sa SSS sa bagong contribution rate?

@Buti na lang may SSS | January 17, 2021


Dear SSS,


Narinig ko sa balita na magtataas ng hulog ngayong taon. Nais kong itanong kung magkano ba ang itinaas ng hulog ko sa SSS sa bagong contribution rate? – Sheena, Nangka, Marikina


Sagot


Simula ngayong buwan ay itataas ng SSS ng 1% ang contribution rate mula sa dating 12%, ito ay aangat sa 13%. Ang nasabing pagtataas ay bilang pagtalima sa nakasaad na probisyon sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018. Ang RA 11199 ay ang batas na sumasaklaw sa SSS.


Malinaw na isinasaad ng naturang batas na kailangang magpatupad ng 1% na pagtataas ng SSS contribution rate kada dalawang taon hanggang maabot nito ang 15% contribution rate sa 2025. Bilang pagsunod dito, nagpatupad ng pagtataas sa kontribusyon ang SSS noong 2019 at ngayong 2021. Nakatakda ring itaas muli ang contribution rate sa 2023 at 2025.


Ngunit magkano ba talaga ang itataas na halaga ng kontribusyon ng miyembro? Ito ay depende sa iyong kabuuang kinikita sa loob ng isang buwan sapagkat ang iyong kinita ang magdidikta kung magkano ang ihuhulog mo sa SSS. Kaya, ito rin ang tutukoy kung magkano ang itataas ng iyong kontribusyon batay sa bagong SSS contribution rate.


Dagdag pa rito, ang 1% itataas sa kontribusyon ay paghahatian ng manggagawa at ng employer. Kaya, ang 0.5% ay sasagutin ng employer samantalang ang natitirang 0.5% ay sa empleyado.


Para sa sumasahod ng P2, 250 o mas mababa pa kada buwan, ang dating inihuhulog nilang P240 na buwanang kontribusyon ay tataas ng P150 at ang magiging bago nilang hulog sa SSS ay papatak na sa P390 kada buwan. Kaalinsabay nito, tataas ang employee share ng P55. Kaya, mula sa dating P80, ito ay magiging P135 na. Habang ang employer share naman ay tataas ng P95. Mula sa dating P160, ito ay magiging P255 na.


Sa kumikita naman ng P19, 750 o higit pa bawat buwan, ang dating inihuhulog nilang P2, 400 na buwanang kontribusyon ay tataas ng P200 at ang bago buwanang hulog nila sa SSS ay aabot na sa P2, 600. Kaalinsabay nito, tataas ang employee share ng P100. Kaya, mula sa dating P800, ito ay magiging P900 na. Habang ang employer share naman ay tataas ng P100. Mula sa dating P1, 600, ito ay magiging P1, 700 na.


Sa bawat pagtataas ng kontribusyon sa SSS, nadaragdagan ang iyong iniipon sa SSS. At ito naman ay iyong pakikinabangan sa iyong pagreretiro.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page