ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 30, 2024
Photo: Vice Ganda at Vilma Santos Recto - IG
Good mood si Unkabogable Star Vice Ganda nang dumalo sa nakaraang 50th Metro Manila Film Festival 2024 Gabi ng Parangal na ginanap sa Solaire Hotel and Casino sa Parañaque last Dec. 27.
Nakarating na nga kasi sa kanya ang balitang No. 1 ang And The Breadwinner Is… sa mga sinehan among the 10 official entries sa MMFF, habang pumapangalawa naman ang kina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na The Kingdom.
Masaya si Vice na sold-out daw ang mga tickets ng ATBI dahil ibig sabihin lang ay maraming makakapanood ng pinaghirapan nilang pelikula.
Ikinatuwa rin ni Vice na bonggang-bongga ang Gabi ng Parangal ng MMFF kung saan napagsama-sama at napag-stay ang malalaking bituin ng showbiz na bihira na raw mangyari ngayon.
Dito raw niya na-feel uli na bumabalik na ang dati na isine-celebrate ang mga ganitong pagkakataon at dumarami na rin ang gustong makapanood ng mga pelikulang kalahok sa festival.
Isa pang ikinatuwa ni Vice ay nang makasama si Star for All Seasons Ms. Vilma Santos-Recto sa stage nang mag-present sila ng Lifetime Achievement Award para kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na nagtatag ng MMFF.
Nag-dialogue pa nga si Vice na sana raw, sa next movie niya ay makasama naman niya si Ate Vi.
“Dream ko naman ‘yun. Dream ko talaga na makasama siya bilang ‘yung isa sa mga pinakaunang pelikula ko rin, ‘yung pelikula niyang In My Life… (nagkasama kami). At saka, may maganda kaming relationship ni Ate Vi, eh. Sana mabigyan ako ng chance na makasama siya,” excited niyang sabi nang sandali naming makapanayam during commercial break sa Gabi ng Parangal.
Ohhh, so collab na nga kaya nina Ate Vi at Vice ang mapapanood natin sa next year's MMFF?
Wow, exciting, ha? Sana ay may magandang proyekto na maibigay para sa kanilang dalawa.
TOTOONG-TOTOO ang sinabi ni Ms. Sylvia Sanchez, ang Nathan Studios producer ng Topakk movie nina Arjo Atayde at Julia Montes na isa sa 10 official entries ngayon sa 50th MMFF, na kung hard-core action ang trip n'yo, ito ang panoorin n'yo.
Parang 90% kasi ng movie ni Direk Richard Somes ang action, at mula simula hanggang dulo, bubusugin ka talaga sa action scenes at para bang pati ikaw ay mapapagod sa mga bugbugang ginawa ng mga bidang sina Arjo at Julia vs. the whole team ni Sid Lucero.
Gusto namin ‘yung konsepto na dahil bugbog-sarado at duguan na sina Julia at Arjo ay deglamorized sila, hindi tulad ng ibang napapanood natin na fresh pa rin ang bida matapos makipag-upakan.
Bukod kina Arjo at Julia, magagaling din ang mga supporting cast ng Topakk sa pangunguna nina Sid Lucero, Cholo Barretto, Bernard Palanca, Michael Roy Jornales, Paolo Paraiso, Jeff Tam atbp..
Grabe lang din ang patayan sa movie na ‘to at kung mahina ang sikmura mo, ‘di mo kakayanin ang mga gilitan ng leeg and the likes.
Kaya pala R-16 at R-18 ang rating ng movie dahil kung tatanggalin naman ang mga ‘yun, mawawalan ng suspense at impact ang Topakk.
Nanghinayang lang kami sa maikling role ni Enchong Dee, pero sabi nga, there's no small role for a great actor, dahil kahit sa umpisa lang halos siya napanood, tumatak ang mahusay niyang acting sa scene nila ni Arjo.
Bilib naman kami sa sipag ni Ms. Ibyang (palayaw ni Sylvia) at ng iba pang cast ng movie sa pag-iikot sa mga sinehan mula pa nu'ng Pasko para makapag-promote ng Topakk.
Hiningi nga namin ang reaksiyon niya sa unequal distribution ng mga cinemas para sa 10 entries at aniya, hindi naman sumasama ang loob niya sa MMDA at MMFF committee dahil naiintindihan niyang walang control o jurisdiction ang MMFF sa mga sinehan sa probinsiya at ang mga theater owners ang pumipili kung ano'ng movie na malakas sa takilya ang ipapalabas nila.
Wish na lang ni Ibyang na through word of mouth mula sa mga nakapanood na ng movie ay mas lumakas pa ang Topakk at mas dumami pa ang cinemas na paglalabasan nito.
Showing pa rin ang Topakk na nanalo ng Best Float at FPJ Memorial Award sa Gabi ng Parangal ng 50th MMFF.
Comments