ni Ryan Sison - @Boses | August 01, 2021
Hindi sapat na suplay ng bakuna.
Ito ang nakikitang dahilan ng Department of Health (DOH) upang hindi ipatupad ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalang lumabas ng tahanan ang mga residenteng hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Paliwanag ng ahensiya, hindi pa sapat ang suplay ng bakuna para magkaroon ng magkaibang protocols sa mga fully vaccinated at hindi. Dagdag pa rito, mayroong ayaw talagang magpabakuna, pero may mga nais nang maturukan, ngunit wala pang suplay ng bakuna.
Gayundin, sinasabi ng mga eksperto na posibleng magkaroon ng legal na isyu pagdating sa ganitong usapin.
Matatandaang sa ngayon, prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan ang medical workers, senior citizens, persons with comorbidities, manggagawa sa essential industries at indigents, at tinitingnan pa kung mababakunahan na rin ang mga batang 17-anyos pababa.
Kamakailan, sinabi ng Pangulo sa barangay officials na i-monitor ang vaccination status sa kanilang nasasakupan at pagbawalang lumabas ang mga hindi ba nababakunahan. Sa kabila nito, igniit ng mga eksperto na ang fully vaccinated ay posible pa ring maging carrier at mahawaan ng virus.
Kung mga eksperto na ang nagsabi, matuto tayong makinig dahil malamang ay para ito sa ikabubuti ng nakararami.
Siguro nga, mas mabuting magpokus tayo sa mga mas makatotohanan at epektibong solusyon upang maiwasan ang hawaan. Isa pa, kung posible lang itong makagulo at pagmulan ng iba pang problema, ‘wag na nating tangkain pa.
Tandaan na pandemya ang ating kalaban dito at hindi ang ibang tao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commentaires