ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 27, 2023
KATANUNGAN
Limang taon na kaming nagsasama ng mister ko, pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming anak, kaya parang nawawalan na kami ng pag-asa. Nakikita rin ba sa guhit ng palad kung ang mag-asawa ay magkakaanak pa o hindi na?
Kung hindi na kami magkaka-baby ng mister ko, payag naman siyang mag-ampon na lang, pero sabi niya ay maghintay-hintay pa kami ng isa o dalawang taon pa.
Sa totoo lang, inip na inip na ako, kaya sumangguni ako sa inyo. Magkaka-baby pa ba kami at kung oo, kailan naman ito mangyayari?
KASAGUTAN
May malinaw namang dalawang Guhit ng Supling o Children Line (Drawing A. at B. 1-C at 2-C arrow a. at b.) sa dalawang lalagyan ng Guhit ng Anak sa kaliwa at kanan mong palad.
Kapansin-pansin ang isang makapal na mahaba ang nauna (arrow a.), habang isang manipis na guhit naman ang ikalawa (arrow b.). Tanda na dalawa ang magiging kabuuang bilang ng inyong magiging anak, habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan kung saan tinatayang lalaki ang panganay habang babae naman ang posibleng maging bunso.
Ang pag-aanalisang magkaka-baby kayo ay madali namang kinumpirma ng sulat kamay mong kinakitaan ng phallic symbol na nirerepresenta ng lalaking anak na siya ring representasyon ng masigla, normal at malakas na libido na iyong tinataglay sa kasalukuyan. Ibig sabihin, normal ang libido ng iyong sexual system, sa panlabas at panloob na bahagi ng iyong pagkatao, kaya tulad ng nasabi na, walang problema dahil sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, kaunting tiyaga at paghihintay pa, magkaka-baby din kayo.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Jamilla, sa susunod na taong 2024 ay malamang na mabuntis ka upang pagsapit ng 2025, sa buwan ng Abril o Mayo, isang malusog at matalinong lalaking sanggol ang isisilang. Lilipas ang humigit-kumulang dalawang taon, sa edad mong 34 pataas, muli kang mabubuntis at sa pagkakataong ito, isang cute at malusog naman na babaeng sanggol ang iyong isisilang, na siyang kukumpleto at magbibigay ng lubos na kaligayahan sa buong pamilya n’yo habambuhay.
Comments