ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 15, 2025
Muli nating binabati ang bawat Pilipinong lumahok sa matagumpay at mapayapang pagdaraos ng National Peace Rally na inorganisa ng Iglesia Ni Cristo noong Lunes, January 13. Napakahalaga ng pagtitipong ito para ipanawagan na unahin ang pagkakaisa para epektibong matugunan ang mga pangangailangan ng sambayanan lalung-lalo na ng mga mahihirap.
Nagpapasalamat tayo sa pamunuan ng INC sa pangunguna ni Ka Eduardo Manalo sa inisyatibang ito. Simula’t sapul, ang inyong Senator Kuya Bong Go ay laging kapayapaan ang hinahangad -- kapayapaan hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Ang napakahalaga sa panahon ngayon ay ang sama-samang pagkilos para hindi masayang ang oras dahil sa hindi pagkakaintindihan. Magkaisa at magtrabaho tayo dahil bawat minuto na nasasayang sa hindi pagkakaunawaan, ang nasasakripisyo ay ang taumbayan. Kawawa ang mga mahihirap kapag nagpatuloy ang hindi pagkakaisa sa ating bansa.
Ito rin ang panahon para magpakita ng malasakit sa kapwa Pilipino. Sikapin nating isulong ang mapayapang pamumuhay kung saan naaalagaan ng gobyerno ang kalusugan ng mga Pilipino, may sapat na pagkain sa hapag-kainan at walang natutulog sa gabi na walang laman ang tiyan, may sapat na trabahong mapapasukan, nakakapag-aral ang ating mga kabataan tungo sa mas magandang kinabukasan, at nakakauwi tayo sa ating mga pamilya nang ligtas at panatag. Ito naman ang dahilan kung bakit tayo nasa gobyerno -- para magserbisyo.
Binigyang-diin din natin na karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng mapayapang pagtitipun-tipon at ihayag ang kanilang saloobin. Ang peace rally ng Iglesia Ni Cristo ay hindi lamang para sa mga miyembro nito, kundi para sa lahat ng Pilipino na nagnanais ng kapayapaan. Kaisa ninyo ako bilang inyong senador na nais lamang maipagpatuloy ang pagmamalasakit at pagseserbisyo sa mga Pilipino.
Samantala, tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng serbisyo. Noong January 11, 2025, personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 714 mahihirap na residente ng lungsod ng Surigao kasama si Mayor Paul Dumlao. Binisita rin natin ang itinayong Super Health Center doon. Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, naging panauhin tayo sa ginanap na Philippine Nurses Association - Caraga Region Nurses Conference 2025 at ibinahagi natin ang suporta natin sa mga health professionals at medical frontliners na itinuturing nating mga bayani.
Matapos ito ay sinaksihan din natin ang turn over ng dalawang road concreting projects at isang bagong covered court sa Butuan City. Ang tatlong proyektong ito ay natulungan nating maisulong sa ating kapasidad bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance.
Naging panauhin tayo noong January 12 sa ginanap na BF Parañaque TODA General assembly sa paanyaya ni Coun. Raffy dela Peña. Kabilang sa prayoridad nating mapagserbisyuhan ang mga nasa transport sector at maiangat ang kanilang kabuhayan.
Naghatid naman ng dagdag na tulong ang aking Malasakit Team para sa 44 TESDA scholars na nagtapos sa Dagupan City. Patuloy din ang ating palugaw sa iba’t ibang ospital na may Malasakit Center para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff.
Gaano man kalaki ang mga hamon na ating kinakaharap, naniniwala ako na sama-sama nating matutugunan ang lahat ng ito kung lagi nating uunahin ang interes ng bayan at kapakanan ng ating kapwa lalo na ang pinakanangangailangan.
Tandaan sana natin — na minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik pa sa mundong ito.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments