by News @Balitang Probinsiya | Oct. 3, 2024
Aklan — Kapwa sugatan ang magkaangkas sa motorsiklo nang mabangga sila ng isang pampasaherong bus kamakalawa sa Brgy. Bagumbayan, Buruanga sa lalawigang ito.
Hindi na muna isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng dalawang biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa kanilang mga pamilya ang naganap na aksidente.
Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ng bus ang hindi pinangalanang driver, nasa hustong gulang, kaya nabangga ang motorsiklong kinalululanan ng mga biktima.
Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima at sa ngayon ay ginagamot pa sila sa ospital.
Napag-alaman na sinampahan na ng mga otoridad ang bus driver ng kasong reckless imprudence resulting to double physical injury and damage to property.
EX-COP, SINALVAGE SA TALAHIBAN
LAGUNA -- Isang bangkay ng dating pulis na biktima ng salvage ang natagpuan kamakalawa sa matalahib na lugar sa Brgy. Janopol Oriental, Tanauan City sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si retired policeman Arnel Tobes, nasa hustong gulang, dating nakatalaga sa Sto. Tomas Police Station.
Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan nilang bangkay na may taklob ng plastic bag sa ulo.
May hinala ang mga otoridad na sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lang sa nasabing barangay ang bangkay nito upang iligaw sila sa imbestigasyon.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para makilala ang mga salarin.
3 DRUG DEALER, ARESTADO
KALINGA -- Tatlong drug dealer ang naaresto ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Bulanao, Tabuk City sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang mga suspek na pawang nasa hustong gulang habang iniimbestigahan pa sila ng pulisya.
Nabatid na naaresto ang mga suspek sa drug-bust operation ng mga operatiba sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng 192 kilo ng hinihinalang marijuana sa pag-iingat ng mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
SEKYU, TIMBOG SA BOGA
ILOILO -- Isang security guard ang dinakip ng mga otoridad nang makumpiskahan ng isang baril at mga bala kamakalawa sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Naumuan, Mina sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si John Henri Planco, nasa hustong gulang at residente sa nabanggit na barangay.
Nabatid na sinalakay ng mga otoridad sa bisa ng search warrant ang bahay ni Planco at dito nakumpiska ang isang baril at mga bala.
Hindi naman nanlaban ang suspek nang dakpin siya ng mga operatiba sa nasabing lugar.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.
Comments