Maging alerto at mag-ingat ngayong Semana Santa
- BULGAR
- 2 days ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 14, 2025

Sa pagsisimula ng selebrasyon ng Mahal na Araw, hindi maiaalis ang posibleng mga insidente na mangyari, kung saan puwedeng maglagay sa atin sa alanganin.
Kaya naman ang Department of Health (DOH) ay in-activate at itinaas ang Code White Alert sa buong pagdiriwang ng Semana Santa bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa anumang mga insidenteng may kinalaman sa kalusugan na maaaring mangyari sa panahon ng pag-uwi ng mga Pilipino sa kanilang lalawigan, pagpunta sa mga simbahan, at tourist destinations.
Ayon sa DOH, epektibo ang Code White Alert simula Abril 13, Linggo ng Palaspas (Palm Sunday), hanggang Abril 20, Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).
Ang Code White Alert ay karaniwang idinedeklara ng health department sa panahon ng national events, holidays, o pagdiriwang na posibleng magdulot ng mga insidente ng mass casualty o emergencies upang matiyak ang kahandaan ng mga health facility, at kanilang personnel.
Sa ilalim ng naturang alert status, ang lahat ng mga medical personnel, lalo na ang mga nasa emergency room at critical care units, ay handa para sa potensyal na pagtaas ng volume o pagdami ng mga pasyente dahil sa mga aksidente, injuries, o iba pang mga health-related incidents na maaaring mangyari.
Hinimok naman ni DOH Secretary Ted Herbosa ang publiko na manatiling mapagbantay at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat para masigurong ligtas at maayos ang kalusugan habang ipinagdiriwang ang Semana Santa.
Nagpaalala rin ang kalihim na dapat maging alerto sa pagbibiyahe ang mga mamamayan dahil sa matinding init upang maiwasan ang heat stroke at palaging uminom ng tubig.
Tiniyak naman niyang bukas ang mga ospital at nakaantabay lamang ang lahat ng healthcare worker para maserbisyuhan at mabigyan ng lunas ang anumang karamdaman.
Sa paggunita natin ng Semana Santa, hindi talaga maiiwasan ang mga aberya o hindi inaasahang pangyayari habang marami sa atin ang uuwi sa mga probinsya, magbabakasyon sa ibang lugar at dadalo sa mga gatherings.
Ito lang kasi ang panahon na makakasama nang mahaba-haba ang kani-kanilang mga pamilya gayundin, makapagpapahinga.
Subalit, dapat ay pairalin natin ang pagiging responsable at disiplinado, habang dagdagan natin ang pasensya sakali mang may makakasagupa tayong medyo pasaway na mga indibidwal.
At dahil napakaraming pagtitipon na ating dadaluhan, siguradong marami ring mga pagkain na ihahain, kaya naman sana iwasan nating kumain ng alam nating makakasama rin sa atin. Hindi biro ang magkasakit at maospital dahil tiyak na gastos iyan at puwedeng manganib ang ating buhay.
Payo natin sa mga kababayan, maging alerto at mag-ingat tayo nang husto upang sa gayon ay maging makabuluhan at mapayapa nating maipagdiwang ang Mahal na Araw.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments