ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Dec. 9, 2024
Nagpakalat na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng mga operatiba sa mga pamilihan at matataong lugar para ipatupad ang kaligtasan ng marami nating kababayan na abala sa pamimili sa panahong ito ng Kapaskuhan.
Higit sa lahat ay nais bigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan hinggil sa muling pagbabalik ng iba’t ibang klase ng modus operandi na karaniwang nagiging aktibo tuwing papalapit ang araw ng Pasko.
Ayon sa datos ng PNP, dalawang okasyon sa loob ng isang taon ang ramdam na ramdam ang pagtaas ng krimen, ito ay ang panahon ng enrollment at panahon ng Kapaskuhan.
Lumalabas na muli na namang aktibo ang mga masasamang-loob at ayon umano sa pag-aral ay mas dumami pa ang mga manloloko sa panahong ito kumpara noong wala pang social media.
Sa ulat ng PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ASG), araw-araw ay tumataas umano ang bilang ng mga nagsasampa ng reklamo laban sa mga manloloko online sa kabila ng umiiral na SIM card registration.
Alalahanin natin na hindi tataas ang krimen kung lahat tayo ay mag-iingat at hindi bibigyan ng pagkakataon ang mga masasamang-loob na tayo ay maging biktima ng kanilang katamarang magtrabaho.
Palagi sana nating isipin na wala namang bagong modus o istilo nang pangungulimbat ang mga kawatan dahil paulit-ulit lang naman ang mga ito ngunit ang biktima ay palaging nandiyan dahil sa kapabayaan.
Karamihan sa mga nagiging biktima ay dahil sa sobrang tiwala sa kapwa, kawalan ng kaalaman sa mga istilo ng kawatan at ang pinakamalala sa lahat ay ang pagpapairal ng tila katangahan.
Karaniwang naglipana sa panahon ng Kapaskuhan ay ang mga nagpapakalat ng pekeng isang libo o limandaang pisong papel na ang madalas biktima ay mga pamilihan, tindero ng balot at mga masahista sa mga spa dahil madilim.
Tiyak na tataas din ang insidente ng snatching, robbery at holdup, lalo pa at uso na ang riding-in-tandem na gumagawa ng mga krimen at walang pakialam kahit masaktan ang biktima maisagawa lang ang pagnanakaw.
Ngayong ilang araw na lamang ay Pasko na, inaasahan ang pagdagsa ng mga namamalimos, may dayo mula sa iba’t ibang probinsya at may peke na karaniwan ay miyembro ng sindikato na nagrerenta ng sanggol para mamalimos.
Hindi naman masamang mamasko at hindi rin masamang mamahagi ng biyaya ngunit mas mabuting kilatisin nating mabuti ang mga bibigyan ng pamasko para hindi tayo mabiktima ng mga mapagsamantala.
Kahit ang dati nang Budol-Budol Gang ay umaatake rin dahil marami pa ring kasambahay ang napapaniwala nila na ang kanilang amo ay kailangan ng pera dahil naaksidente, na ang inosenteng kasambahay ay ibibigay lahat ng puwedeng ibigay ‘yun pala ay modus lamang.
Ang popular na Salisi Gang, kahit hindi Pasko nakakalat ang mga ‘yan at karaniwan silang umaatake sa mga shopping mall, restaurant o food court at binubuo ‘yan ng tatlo hanggang lima katao o mas marami pa.
Paborito ng mga kawatan ang mga masisikip na lugar tulad ng Baclaran at Divisoria o kahit simbahan pa basta siksikan ang mga tao ay tiyak na naglipana riyan ang mga mandurukot kaya dapat ay alerto lalo pa’t malapit na rin ang Simbang Gabi.
Marami sa atin ang maaaring malungkot ang Pasko dahil sa nasalanta ang mga kabuhayan ng nagdaang mga bagyo ngunit magiging malungkot pa tayo kung mabibiktima ng mga kolokoy na ito — kaya doble-ingat!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments