ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 10, 2023
“Magandang araw po,” magalang na sabi ni Maritoni sa mag-asawang kanyang kaharap.
Ito ang kailangan niyang lapitan dahil bukod sa nagpapaupa ito, rito rin malapit nakatira si Mark Ferrer.
“Magandang araw din,” sabay nilang tugon mag-asawa.
Naalala niya tuloy ang malimit na sinasabi ng kanyang lola noon, kapag ang babae at lalaki ay malimit na nagkakasabay sa paglalakad o pagsasalita – malaki ang tendensiya na sila ang itinakda ng kapalaran na magsama habambuhay.
“Gusto ko po sanang mangupahan dito,”
“Aba'y sige. Gaano mo katagal gustong mangupahan dito?” Tanong ng matandang babae na nagngangalang Manang Teresita.
“Three months po,”
“Ang bilis naman,” kunwaring nagrereklamong sabi ni Manong Roger.
“Magsusulat lang po kasi ako kaya napadayo ho ako rito,” pagsisinungaling na sagot ni Maritoni.
“Ah, manunulat ka?”
“Oho.”
“Sa dami ng lugar dito sa ‘Pinas, mabuti na lang ay dito ka sa Sitio Madasalin napadpad.”
“Maganda rin naman po rito,” nahagilap niyang sabihin.
“At nakakatakot.” Gilalas na sabi ni Manong Roger.
“Bakit naman ho?” Kunwa’y balewala niyang tanong.
“Hindi mo ba nabalitaan ang nangyayari sa aming nayon?”
“Masyado ho kasi akong naka-concentrate sa mga eksenang isinusulat ko. Ano po bang ibig n’yong sabihin?”
“Marami na kasing mga madreng pinapatay rito.”
Kunwa'y nagulat siya sa sinabi nito sabay bigkas ng “puro ho madre?!”
“Oo. Halatang galit na galit ang kriminal na ‘yun sa mga madre.”
“Bakit ho kaya?”
“‘Yan ang hindi pa nagagawa nitong si Teresita ang makipaghuntahan sa isang kriminal.” Natatawang sabi ni Mang Roger.
“Pero, alam mo ba, sinabi ng amo namin na magkikita sila dapat ni Sister Luna dahil may importante silang pag-uusapan pero hindi ito natuloy.”
“Talagang hindi matutuloy iyon dahil pinatay na si sister bago pa sila nagkita ng amo namin.”
Kumunot ang kanyang noo, at hindi niya alam kung bakit parang may nag-uudyok sa kanya na alamin kung sino ang amo ng mga ito.
“Eh, sino ho ba ang amo n’yo?” Wika niya, sabay tingin sa mag-asawa.
Matagal sumagot ang mga ito, at maya-maya ay sabay nitong binigkas ang pangalan ng kanilang amo. “Si Mark Ferrer.”
Itutuloy…
Comments