ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 9, 2023
Hindi napigilan ni Maritoni ang mapahagikgik nang pagmasdan niya ang hitsura ni David o aka Sister Divina. Talaga naman kasing bagay na bagay sa kanya ang pagiging babae.
Nais kasi niyang malaman ang tunay na pagkatao ni Mark Ferrer kaya kailangang mapalapit siya rito. Siyempre, hindi niya magagawa iyon kung isa siyang madre. Kaya, kailangan niya muling magpanggap para makahagilap ng impormasyon tungkol sa pagkatao nito. Kailangan niya ring malaman kung mayroon na ba itong asawa, anak, at naniniwala ba ito sa kasal o hindi?
At bigla siyang natigilan, hindi lang naman kasi mga ganu’ng impormasyon ang dapat niyang malaman. Kailangan din niyang malaman kung nagkaroon na ba ito ng first kiss o aktibo ba ito sa…
Hindi na niya nagawang ituloy ang sinasabi ng kanyang isip dahil parang may kamay na bumatok sa kanya, at bigla siyang natauhan. Kailangan niya kasing malaman ang family background, matino ba ang kaisipan nito o may kakayahan ba itong pumatay.
Sa tingin kasi niya ay may kinalaman ito sa pagkamatay ni Sister Luna. Ang problema nga lang ay wala siyang matibay na ebidensya. Kaya, kinakailangan na niya na ang tulong ni David para maisagawa ang kanyang pinaplano.
Kahit kasi pinagdududahan siya nito, mas maigi pa ring mayroon siyang tagapagtanggol dito at ‘yun ay walang iba kundi si David.
“Paniwalang-paniwala sila sister na isa kang babae!” Wika niya sabay hagikgik.
“Siyempre, maganda ako eh.” Pagmamayabang na tugon nito.
“Hindi na kita kokontrahin dahil baka magbago pa ang isip mo.”
“May kinatatakutan ka rin pala?” Sarkastikong tanong ni David.
“Of course! Una naru’n sa listahan ay si chief. Panigurado kasing malalagot ako kapag nalaman nilang pinalitan mo ako. Pero promise, sandali lang ito. Kailangan ko lang talagang malaman kung ano ang pagkatao ng lalaking ‘yun.”
Pagkaraan ay nag-flash sa kanyang isipan ang mga madreng pinatay na humihingi ng tulong, at nagmamakaawang bigyan sila ng hustisya.
Itutuloy…
Yorumlar