ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 6, 2023
Mababaw lang ang pagkakatulog ni Maritoni kaya nang makarinig siya ng komosyon ay agad siyang bumalikwas ng bangon. Sa secret pocket ng kanyang damit, nakalagay ang kanyang pistol. Hindi niya tiyak kung kailan aatake ang serial killer kaya kailangan niya lagi maging handa. Ngunit, susugod ba sa kumbentong ito ang mamamatay tao na iyon?
“Ano’ng nangyari?” tanong niya nang makita niyang lumabas na rin ang iba pang mga madre.
Sa pintuan kasi ng kumbento ay maririnig ang malalakas na pagkatok.
“Huwag n’yong bubuksan ang pinto!” Wika niya sa mga madre.
Ang iba ay sumunod pero ang ilan ay napatitig sa kanya, at nagtataka kung bakit siya nag-uutos sa mga ito. Umiling na lamang siya at dahan-dahang pumunta sa pintuan.
“Sino ‘yan?” Pasigaw na tanong ni Maritoni.
“Si Ka Nestor po,” sagot naman nito sa kanya.
Gusto niya na sanang sabihin na hindi niya ito kilala, ngunit nagsalita si Sister Mae, “Kapitbahay natin ‘yan.”
Really? Gusto niyang ibulalas pero hindi na niya ginawa. Kailangan niya pa ring tandaan na isang madre ang kanyang kaharap, kaya kailangan niya itong igalang. Gusto niyang matawa sa sinabi nitong ‘kapitbahay’ gayung dalawang kanto yata ang pagitan ng kumbento sa susunod na bahay.
“Hindi ka lang mag-isa,” wika pa niya, kahit hindi niya buksan ang pintuan ay alam niyang maraming nagsasalita.
“May masama kaming balita,” wika naman ng isa pa, kakaiba ang boses nito kaya sure siyang hindi ito ang tinutukoy na Ka Nestor ni Sister Mae.
“Buksan mo na ang pintuan,” pag-uutos naman ng isa pang madre na si Sister Juliet.
“Kaya maraming madre ang pinapatay, dahil ang dali n’yong magtiwala,” inis niyang bulong sa kanyang sarili, at minabuti na lamang niyang buksan ang pintuan.
“May natagpuan na namang madre na pinatay!” tugon ng mga lalaki.
Nang lingunin niya ang kanyang mga kasamahang madre, napagtanto niyang wala run’n si Sister Luna.
Itutuloy…
Comments