ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 4, 2023
Pakiramdam ni Maritoni ay nahihilo na siya, at para bang umiikot ang kanyang paningin.
Nasa isang kumbento na siya, na kung saan talaga dinibdib talaga nila ang pagiging madasalin.
Limang oras na silang nagdarasal kaya pakiramdam niya ay nag-aapoy na ang kanyang katawan.
“Okey ka lang ba, sister?” Nag-aalalang tanong ni Sister Luna.
Kaya kahit hindi siya sigurado kung kakayanin pa niya ang pagiging relihiyosa, tumango pa rin siya. Kailangan niya nang gawin ang kanyang misyon. Sa una ay mahirap dahil kailangan din niyang magpanggap na siya ay isang mabuting tao na malayung-malayo sa kanyang tunay na katauhan. Ngunit, ‘ika nga“kapag may hirap, may sarap” At ang sarap na kanyang hinihintay ay iyong pakikipaglaban sa serial killer.
Ayon sa report na kanilang nakalap, mas nagpapakita umano ang serial killer sa mga madreng bagong dating. Ibig sabihin, malaki ang tsansa na bigla na lang itong sumulpot sa kanyang harapan, pero siyempre, hindi mangyayari ‘yun kung nasa loob lang siya ng kumbento, kumakanta at nagdarasal.
“Kailangan ko rin po kasing makalanghap ng sariwang hangin. May mga pagkakataon po kasing inaatake ako ng hika, kaya kailangan ko ring gumala-gala.”
Bigla siyang natigilan sa biglang pagkunot ng noo ni Sister Luna.
“Kakaiba kang magsalita.” Wika nito.
Mabilis namang gumana ang kanyang utak para makahanap ng maidadahilan. “Ang pamilya ko po kasing pinanggalingan ay masyadong prangka magsalita. Sa mahirap na lugar lang po kasi ako lumaki kaya kahit na nakapasok na ko rito sa kumbento ay hindi pa rin madali para sa akin na baguhin ang aking nakasanayan.”
“Ganu’n ba?”
“Opo.”
“O siya sige, samahan mo ako sa palengke para makalanghap ka ng sariwang hangin at para maipakilala na rin kita sa ibang tao rito,” nakangiti nitong sabi.
“Okey ho,” wika niya sabay tango.
Gayunman, hindi niya maiwasang magtaka. Kung alam naman nila na mga bagong madre ang tina-target ng serial killer, bakit parang ibabandera pa ni Sister Luna sa lahat ang kanyang presensya?
Habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada, nang may biglang huminto na owner type jeep sa harap nila. Kung hindi niya napigilan ang kanyang sarili, malamang ay nakapagmura na ito.
“Ihatid ko na kayo sa palengke, sister.”
Gusto sana niyang tanggihan at sabihing “no thanks” pero, natigilan siya nang mapagtanto niyang guwapong lalaki pala ang nag-aalok ng libreng sakay sa kanila, at kasabay nito ay biglang kumabog ang kanyang dibdib.
Itutuloy…
Comments