ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 16, 2023
“Kung magsalita ka naman ay parang ang laki ng galit mo sa mga taong relihiyoso.”
Pagkaraan ay natigilan siya. Ito na ba ang hinahanap niyang clue? Tanong pa niya sa kanyang sarili.
“Ang sabi ko sa mga taong panay ang punta sa simbahan,” natatawang sabi ni Mark.
Napakurap-kurap naman siya habang nakatingin rito. Para kasing may kasiyahan siyang nakikita sa mga mata ni Mark na hindi niya maipaliwanag. Hindi naman takot ang kanyang nararamdaman sa mga sandaling iyon, bagkus ito ay saya.
“Curious lang ako. Sa palagay mo, ano bang dahilan at pinapatay ang mga madre?” nahagilap niyang itanong dito.
Biglang nawala ang ngiti sa labi ni Mark, at napalitan ito ng galit. “Malamang may nagawang kasalanan ang mga madreng kanyang pinapatay.”
“Ano naman kaya iyon?”
“Hindi ako ang makakasagot niyan, kundi ang mga awtoridad. Bakit ba bigla kang nagkainteres?” wika nito.
“Siyempre, manunulat ako. Naghahanap ako ng bagong ideya para sa bago kong nobela,” sagot niya.
Ayaw niya magkaroon ito ng hinala sa kanya. Kapag nalaman nitong nagpapanggap lang siyang manunulat ay sigurado masasakal siya nito. Iyon nga lang, kahit na ano'ng gawin niya sa pagkatao ni Mark parang hindi niya nakikita na mayroon itong kakayahang pumatay. Hindi niya pa naman kasi ito nakikitang magalit. Sa puntong iyon ay parang gusto niyang pagtawanan ang kanyang sarili. Kung umasta kasi siya ay para siyang isang baliw na nakikipagtalo sa kanyang sarili.
Hindi naman kasi sapat ang mga narinig niya kay Mark para tuluyan na niya itong paghinalaan.
Kaya, mas maiging palalimin pa niya ang pagkilala rito.
Ngunit, ang layunin nga ba talaga niya ay kilalanin ang serial killer o baka naman may iba pang dahilan? Nanunudyo niyang tanong sa kanyang sarili habang lumalakas nang lumalakas ang pintig ng kanyang puso.
Itutuloy…
Comments