ni Julie Bonifacio @Winner | February 21, 2023
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_dc076e60455241e7b0b5f8663a860abc~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_dc076e60455241e7b0b5f8663a860abc~mv2.jpg)
Ibinulgar ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor ang naranasan niyang “kamatayan” sa loob ng tatlong minuto sa panayam ni King of Talk Boy Abunda sa kanyang panghapong programa sa GMA-7, ang Fast Talk with Boy Abunda kahapon.
Kuwento ni Nora, “Hindi ko alam kung puwede kong sabihin, kasi namatay na ako nang three minutes. Itong mga nakaraan lang, ewan ko, ngayon ko lang sasabihin ito, kasi ang nangayri noon, 'di ba noong nagkakasakit ako, lalabas ako ng gabi (sa ospital), madaling- araw, dadalhin na naman ako (pabalik) sa ospital.
“So, may insidente na sabi ko (sa kasama ko), ‘Halika na, kasi bumababa na ang oxygen sa katawan ko.’ So takbo na naman sa ospital. (Pagdating) Sa ospital, sabi ko, 'Oxygen lang po ang kailangan ko.'
“Ang nangyari, hindi ko alam, walang tumulong. Hindi minadali na lagyan ako ng oxygen. Ang nangyari, humiga ako, pagkahiga ko [nawalan na ako ng malay]. Pagkagising ko, nandoon na ako sa ICU.”
Nu’ng nagkamalay na raw si Nora, saka siya sinabihan na tatlong minuto na siyang patay ngunit nagawa siyang ma-revive.
“Ang sabi nga sa akin, 'Ang suwerte mo, mahal ka ng Diyos.' Sabi niya, kasi ibinalik ka uli. Siguro, ang misyon mo, hindi pa tapos. Meron (ka) pang dapat na gawin sa mundo. ‘Yun lang ang laging sinasabi sa akin ng mga kaibigan ko,” lahad pa ni Nora.
Pero sa panimula ng interbyu ni Kuya Boy sa Superstar, usapang pag-ibig ang naging paksa nila. At ikinuwento pa ni Nora kung paano siya mabaliw sa pag-ibig.
Meron daw siyang minahal na hindi naman siya mahal, at ‘yun ay walang iba kundi ang kanyang kalabtim noong araw at ngayon ay chairperson ng Film Development Council of the Philippines na si Tirso Cruz III.
“Si Pip ‘yun, eh… Ayun lang naman talaga ‘yung ano — noong araw, ah, wala pa si Papa Boyet noon. Ano ‘yun eh, 11 years or 12 years na on and off (kami),” pagre-reveal niya.
Sabi pa niya, “Kasi minsan, nararamdaman mo, pero minsan, hindi mo nararamdaman.
May mga insidente na naririnig ko na mismo sa kanya nanggagaling ang salita na nakakasakit ng puso, pero balewala ‘yun dahil ikaw ay isang taong umiibig.”
Isa sa mga kabaliwang ginawa raw niya dahil sa pag-ibig ay naghintay nang magdamag sa lalaking mahal niya sa labas ng bahay.
“Kapag nag-aaway kami (ni Tirso Cruz III) ay iinom ako noon. Tapos, pupunta ako ru'n sa bahay niya, hindi ako papapasukin, patatahulan ako ru'n sa aso. Pero hanggang magdamag ‘yun, nandoon ako sa labas.
“Tapos, makikita ko na lang ang mga fans, nagdaratingan. Mabuti hindi ako nakikita kasi dumadausdos ako ru'n sa loob ng sasakyan,” pagbabalik-tanaw ni Nora.
Ang nakakalokah kay Nora, itsinika pa niya kay Kuya Boy ang naging huling usapan nila ni Tirso, na happily married sa misis niyang si Lyn Ynchausti kung saan nagkaroon sila ng tatlong anak.
“Noong huling nagkita kami… sasabihin ko ba? Baka magalit sa akin, eh,” pagdududa pa ni Nora.
“Basta ang alam ko, darating ang panahon na baka – gustuhin man ng Diyos – eh, baka kami — hindi, hindi, hindi.
“Pero ano na, hindi na masyado… Hindi, may kani-kanya na [kaming] pamilya. So, hindi na, tahimik na. Masaya na rin ako ngayon.”
At nu’ng papiliin si Nora between Tirso at ang ex-husband niya na si Christopher de Leon, ang pinili ng Superstar ay si Pip!
Say ng mga netizens, sana, nag-both na lang siya kina Pip at Boyet. Hindi man lang daw naisip ni Nora ang magiging damdamin ng anak nila ni Boyet na si Ian de Leon.
Comments