ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 16, 2021
Patuloy pa rin ang ating laban kontra COVID-19 sa pamamagitan ng mga health protocols na ipinatutupad at ng mas mabilis na rollout ng bakuna.
Habang nagsasakripisyo tayo upang panatilihing ligtas ang ating komunidad, intindihin din natin na kailangan ng gobyerno ng ating tiwala at suporta sa bakuna. Tulad ng ibang bansa kung saan unti-unti nang binubuksan ang ekonomiya dahil maraming mamamayan na bakunado na, layunin natin na marating ito. Kaya pakiusap sa lahat ng parte ng prayoridad na sektor na mabakunahan na sana kayo.
COVID-19 ang kaaway natin — ito ang nakamamatay. Ang bakuna ang ating kakampi — ito ang solusyon para unti-unti tayong makabalik sa normal na pamumuhay.
Marami nang nabakunahan mula sa A1, A2 at A3 priority group at nitong huling linggo lang, pormal na rin nating sinimulan ang pagbakuna sa ating A4 priority group sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang karamihan sa grupong ito ay kinabibilangan ng mga economic frontliners at essential workers na bumubuhay sa ating ekonomiya. Kasama ang mga miyembro ng media at ang mga manggagawa na kailangang lumabas upang magtrabaho at buhayin ang kanilang pamilya.
Sa kabila ng ating mga nakamit nitong mga nakaraang buwan, hindi pa rin tayo dapat magkumpiyansa. Marami tayong kailangan gawin upang mapabuti ang proseso at makamit ang target na herd immunity ngayong taon.
Patuloy ang ating panawagan sa pamahalaan na huwag kalimutan ang pagbakuna sa mga natitirang A1 to A3 na hindi pa nababakunahan at siguruhing bumalik ang mga nabakunahan ng unang dose para sa kanilang pangalawang dose. Kung kailangang suyurin ang kanilang mga komunidad at pamamahay para anyayahan magpabakuna ang mga nasa priority ay gawin na natin agad.
Dapat din patuloy na paigtingin ang pagpatayo ng mga vaccination sites sa iba’t ibang sulok ng bansa para hindi magkumpulan sa vaccination centers at mas maraming maabot na mga kababayan. Ito ay para masigurong walang maiiwan sa muling pagbangon ng ating pamumuhay.
Dahil mas maraming tao na ang nabakunahan sa kanila, tingnan natin ang NBA, nakakalaro na sila at meron ng pinapayagang fans na makapanood sa laro nila. Dahil nahuli tayo sa pagbabakuna, gawa na rin ng limitadong suplay sa mundo at pag-alinlangan ng ilan sa atin na magpabakuna, hindi pa tayo nakapagbukas ng larong basketball katulad sa nakagawian natin.
At habang patuloy na gumugulong ang vaccination rollout, patuloy na sundin ang mga itinakdang protocols. Hindi natin biglang bubuksan ang lahat ng aspeto ng ating ekonomiya dahil ayaw nating biglang tumaas ang bilang ng mga kaso at ma-overwhelm ang mga healthcare facilities, tulad ng nangyari noon sa NCR. Ayaw nating bumagsak ang health care system kung saan nagkakaubusan ng mga hospital beds, respirators, ventilators at maging medical frontliners.
Pakiusap sa mga kasamahan natin sa gobyerno at sa taumbayan na huwag haluan ng duda, intriga o pulitika ang vaccine rollout. Lubos ang pagsisikap para sa ikatatagumpay ng vaccination program kaya huwag sayangin ang bawat oras, bawat bakuna at bawat oportunidad na maproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino.
Patuloy ang paglilingkod ng inyong gobyerno sa anumang oras. Nitong Lunes ay inilunsad ang ika-119 na Malasakit Center sa National Children’s Hospital sa Quezon City kung saan ipinamahagi natin ang biyaya ng ating kaarawan sa mga frontliners at batang pasyente.
Hindi tayo ang tipong nagdidiwang ng kaarawan, ngunit sa espesyal na araw na ito, pinili nating makasama ang mga pinaka-nangangailangang kinabukasan ng bayan na kabataan upang magbigay ng saya at pag-asa sa kabila ng kanilang mga karamdaman.
Ang natatangi birthday wish ng inyong lingkod ay sana malalampasan na ang pandemya upang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay kung saan puwede nating mayakap muli ang ating mga mahal sa buhay.
Maaasahan n’yo ang serbisyo, saanman sa mundo. Hinihiling natin ang kooperasyon at pakikiisa upang tuluyang makalaya mula sa hirap na dulot ng pandemyang ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments