top of page
Search
BULGAR

Magat Dam, magpapakawala ng tubig, Cagayan at Isabela, sapul uli

ni Twincle Esquierdo | November 28, 2020



Nagbigay ng paalala ang The National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MRIIS) ngayong Sabado sa mga residente ng Northern Luzon na magbabawas sila ng tubig na 786 cubic meters per second (cms).


Sa ibinigay na pahayag ng NIA-MRIIS ang Gate 4 ng Magat Dam ay bubuksan ng dalawang metro para makapag-release ng 393 cms. Bubuksan naman ng isang metro ang Gate 3 nang alas-8 ng umaga para makapag-discharge ng 179 cms.


Samantala, dalawang metro naman sa Gate 1 nang alas-9 ng umaga para makapagbawas ng 393 cms.


Sa pagbabawas ng tubig sa Magat Dam, lubos na maaapektuhan ang Cagayan at Isabela dahil sa pagbaha.


Ayon naman sa NIA, kapag hindi sila nagbawas ng tubig ay mas marami ang maaapektuhan.


"If Magat Dam did not release water, it would break, millions would be affected. Magat Dam is not designed for flood control," sabi ng NIA.


Ayon naman sa PAGASA ngayong Sabado ay makararanas ng maulan na panahon at kalat-kalat na pag-ulan ang Cagayan, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora at Benguet.


Nagbigay na ng babala ang state weather bureau sa mga residente na maaaring magkaroon ng flash floods o landslides habang papalakas ang ulan.


Matatandaan din na isinailalim ang Isabela at Cagayan sa state of calamity ngayong buwan matapos ang Bagyong Ulysses dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha. Dahil dito ay nakatanggap ng pagpuna ang NIA dahil sa pagbawas nila ng tubig mula sa Magat Dam na nakadagdag sa malawakang pagbaha dalawang linggo na ang nakalilipas.


Gayunman, idiniin ng administrator ng NIA na si Ricardo Visaya na kinailangang buksan ang mga gates ng Magat Dam sa gitna ng malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Ulysses upang mapanatili ang lebel ng tubig sa dam.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page