ni Ricky Rivera - @Pasada | July 11, 2022
Malagim man ang mga nababalitaan natin ngayong mga datos ekonomiko—lumobong utang sa P14 trilyong piso, tumataas na inflation at humihinalang piso--malaki ang kumpiyansa nating makababangon ang ating bansa sa ganitong kalagayan. May dalawang kondisyon lamang na dapat nating pahalagaan: Una, kailangang tamang liderato sa darating na anim na taon at ikalawa, pagpapalakas ng lokal na mga industriya upang makasabay sa mga inaaasahang pagdagsa ng dayuhang kapital.
Bakit tamang liderato? Sapagkat sa tamang liderato matatanto natin ang pagpanday ng mga polisiyang tiyak na tutulong sa mga industriya upang makabangon sa pagkalugi at makapagbigay-trabaho sa mga walang trabaho. Mahigit apat na milyong Pilipino ngayon ang dumagdag sa kasalukuyang 12 milyong walang kinikita. Karamihan sa mga ito ay mga datihang nagtatrabaho sa mga service industries na nalugi at nagsara bunga ng mga restrictions ipinatupad ng pamahalaan. Kung tutulong ang pamahalaan para muling maitayo ng mga industriya ang kani-kanilang sarili, malaking bulto ng mga walang trabaho ang magkakaroon ng pag-asang magkaroon ng trabaho.
Isa sa pinakamalaking consumer base ang Pilipinas. Kaya naman, magandang prospect ito para sa mga mamumunuhan. Ang problema, maraming polisiya ang pamahalaan na ang layon ay sakalin ang mga industriya upang mapilitan ang mga ito na isangkot ang kanilang sarili sa katiwalian. Sa bagong liderato, kailangang bigyang-pansin nila ito. Walisin ng bagong liderato ang mga tiwali sa pamahalaan, kasuhan sila o kaya ay itapon palabas ng bansa.
Higpitan dapat natin ang batas laban sa katiwalian. Gawing reclusion perpetual ang parusa sa mga mapatutunayang nagnakaw ng kaban ng bayan.
Kailangan natin ng tunay na liberal demokratikong ekonomiya sa susunod na anim na taon upang yumabong ang mga businesses at magkaroon ng pagbabago sa mga panlipunang kalagayan. Mas maiging palaguin ang kapital sa Pilipinas dahil 'yan talaga naman ang mitsa ng pagbabago.
Kung magiging level ang playing field sa negosyo, maraming maeengganyong kumpanya sa ating bansa. Mas lalawak ang opsyon ng mga tao at mas darami ang trabaho.
Alam n'yo bang magandang pagbabago ang magaganap sa bansa sa mga susunod na taon kung matutuloy lamang ang mga proyektong magpapalawak sa mga lupain para sa negosyo?
Samantala, kailangan na talagang i-manage nang husto ng pamahalaan ang tumataas na presyo ng krudo. May sapantaha ang mga eksperto nab aka umabot ng 100 piso kada litro ang gasolina. Huwag naman. Hindi na 'yan kakayanin ng karaniwang mamamayan.
Malaki rin epekto niyan sa mga transport firms. Kaya pansinin n'yo, kakaunti ang bumibiyahe dahil tiyak lugi sila dahil sa taas ng presyo ng diesel.
Sa amin sa PASADA, iminumungkahi naming pansamantalang itigil ang koleksyon ng excise tax sa gasoline. Ikalawa, bigyang-subsidy ang mga naluluging transport operators, lalo na sa bus at jeepney. And ikatlo, para hindi magkagulu-gulo pa, payagan ang mga bus na gamitin ang kani-kanilang terminals kaysa dagdag-gastos pa sa pagbabayad sa mga common terminals. Hindi nakatutulong para sa pagbangon ng lokal na industriya ng transport ang mga nagaganap.
Para sa mga tanong o komento, mag-email ang sa rickyrivera@pasadacc.com
Comments