ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 05, 2021
KATANUNGAN
1. Ang problema ko ay may babae ako, pero hindi ito alam ng misis ko. Gayunman, napapansin ko na parang naghihinala na siya na may ginagawa akong kalokohan. Ang totoo nito, mahal ko naman ang aking pamilya, natukso lang akong mambabae tulad ng tipikal na kalalakihan na naghahanap ng panandaliang romansa. Kumbaga, nagdedebersiyon lang sa ibang kandungan na mas bata at maganda at pandagdag ng sigla para lalong sipagin sa pagtatrabaho.
2. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung tama ba ang aking kutob na dahil malakas ang intuition ng kababaihan tulad ng misis ko ay nakakahalata na kaya talaga siya?
3. Ang ikinatatakot ko ay baka hulihin niya kami sa akto o iniisip ko na baka pinasusundan na niya ako sa ibang tao at mabulaga pa kami. Hanggang kailan ko mapapanatili ang lihim kong ito o mas dapat na tigilan ko na bago tuluyang malaman ng misis ko ang ginagawa ko at baka ito pa ang maging dahilan upang mawasak ang aming pamilya at baka makulong ako?
4. Sa palagay n’yo, Maestro at ano ang nakikita ninyo sa guhit ng aking palad, mapananatili ko bang buo at masaya ang aking pamilya kahit ngayon ay may illicit love affair akong iniingatan?
KASAGUTAN
1. Anuman ang dahilan kung bakit ka nambabae, wala na tayong pakialam, sa halip, ang malinaw na nangyayari sa kasalukuyan ay ang tinatawag na “fling na relasyon” kung saan malinaw na nakikita ang Guhit ng Pambabae o Guhit ng Panandaliang Pakikipagrelasyon (Drawing A. at B. f-f arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
2. Ibig sabihin, anuman ang mangyari, mabisto ka man ni misis o hindi, walang problema dahil ang nasabing pambababae na kinababaliwan mo sa kasalukuyan, sigurado namang hindi magtatagal at tunay ngang hindi ito makakaapekto sa inyong pamilya at sa relasyon ninyong mag-asawa.
3. Subalit hindi ‘yun ang delikado, sa halip, ang mas nakakatakot ay dumating ang sandali na mawili ka sa pambababae, dahil hindi ito nabibisto ni misis, na siya namang ‘wag mong gagawin. Sapagkat bagama’t matino, maayos at maganda ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi mo naman dapat panghawakan ‘yun na habambuhay na magiging matatag ang inyong pamilya.
4. Dapat mo ring bigyang-atensiyon ang medyo nagulo o nabiyak na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda o indikasyon na bagama’t makakalusot ang pambabae mo ngayon, kapag ito ay inulit mo pa, para ring magnanakaw, sa una, ikalawa o ikatlong beses ay hindi ka mahuhuli, pero kapag nawili ka sa pagnanakaw, dahil paulit-ulit na, siguradong matitiklo ka rin. Ganundin sa pambababae, may tendency ding manganib ang relasyon ninyong mag-asawa hanggang sa tuluyang masira ang iyong pamilya, kaya hindi porke nakalusot ka sa una o ikalawa ay hindi ka nahuli ay uulit-ulitin mo pa.
5. Tulad ng nasabi na, sa pambababae, ‘wag mong tutularan ang pusakal na magnanakaw, na naging bahagi na ng pang-araw-araw na buhay niya ang pagnanakaw. Sa halip, hangga’t magagawa mo pa, dapat mong mairaos ang init ng iyong katawan, mas makabubuti sa iyong pamilya at para na rin sa ikabubuti ng relasyon ninyong mag-asawa. Kung nambabae ka ng isang beses, ‘wag mo nang uulitin pa nang sa gayun, ikaw ay makabalik sa pagiging isang matino, tapat at ulirang asawa.
MGA DAPAT GAWIN
1. Ika nga, once is enough, twice is too much, thrice is a poison that can kill a person. Tandaang ang anumang bagay na sobra ay masama, kaya kahit ano pa ang ginagawa mo, kailangang ‘wag na ‘wag kang sosobra.
2. Ayon sa iyong mga datos, Abner, sigurado na ang magaganap, mananatili ang illegal affair na ninanamnam mo ngayon nang hindi malalaman ng iyong misis, ngunit darating din ang eksaktong panahong magkakahiwalay kayo ng babae mo. Kapag tuluyan na kayong naghiwalay, back-to-normal na uli ang buhay mo – matapos mambabae, balik sa pagiging mabuting ama, tapat na aasawa at ulirang ama ng tahanan (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).
Comments