ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 4, 2022
KATANUNGAN
Naghiwalay kami ng misis ko. Mag-iisang buwan na siyang hindi umuuwi mula nang nalaman niyang lumabas kaming magkakaibigan at hindi naiwasang mag-night club kami. Katuwaan lang naman ‘yun dahil may kabarakda kami na galing abroad at nagyaya para magkita-kita kaming magkakabarkada at nag-inuman sa beer house at nag-table ng babae. Nang nalaman ito ng misis ko, nagalit siya at umuwi sa mga biyenan ko.
Mahirap din pala na walang asawa o misis na nag-aasikaso sa iyo, kaya ngayon, naiisip kong sunduin siya sa mga biyenan ko. Sa tingin n’yo, sasama kaya siya? Sa ngayon, tine-text at tumatawag ako sa kanya, pero hindi na siya sumasagot.
Sa palagay mo, Maestro, nasa guhit ba ng palad ko ang mahiwalay sa aking asawa o magkakabalikan pa kami? Maliit na bagay lang naman ang aming pinag-awayan.
KASAGUTAN
Sabagay, buti na lang, isa at nanatiling mahaba ang makapal at matatag na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na mas tama ang una mong naisip kung saan sunduin mo na si misis sa iyong mga biyenan para hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Subalit ang totoo nito, anuman ang mangyari, sa bandang huli, ang takdang kapalaran pa rin naman ang mananaig, kung saan ang tadhana ang gagawa ng paraan upang magkabalikan kayo at mabuong muli ang inyong pamilya, na madali namang kinumpirma ng maayos at maganda ring Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na sa sandaling nagkabalikan kayong mag-asawa, lalong magiging masarap at mas magiging okey ang inyong relasyon at pagmamahalan ng inyong pamilya habambuhay.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Marco, kung hindi mo susunduin ang iyong misis sa iyong mga biyenan, ikaw din ang mahihirapan dahil mahirap talagang mamuhay mag-isa kung walang mag-aasikaso sa iyo.
Ang pinakamaganda mong magagawa ngayon ay sunduin mo na si misis at humingi ka ng tawad at pabalikin mo na siya sa inyong tahanan upang ngayong malapit na ang Kapaskuhan, muling mabubuo at mas magiging maligaya ang inyong pamilya habambuhay.
Comments