top of page
Search

Magandang Balitang Hatid ng Meralco Ngayong Buwan ng Marso

BULGAR

ni Fely Ng - @Bulgarific | March 18, 2021



Magandang araw, Bulgarians! Ngayong panahon ng pandemya, marami ang lubhang naapektuhan. Mayroong mga nawalan ng hanapbuhay bunsod ng mga negosyong kung hindi nagsara ay nagbawas ng empleyado. Bunsod nito ay marami ang namroblema sa panggastos sa araw-araw. Sa ganitong uri ng panahon ng krisis, anumang pagbaba sa presyo ng produkto at serbisyo ay maituturing na napakagandang balita para sa mga konsyumer.


Kamakailan ay inanunsyo ng Meralco ang muling pagbaba ng presyo ng kuryente para sa buwan ng Marso. Ito ay bumaba ng P0.36 kada kilowatthour (kWh). Mula sa presyong P8.68 kada kWh noong Pebrero, ito ay bumaba sa P8.32 kada kWh ngayong Marso. Bunsod ng pababang paggalaw ng presyo ng kuryente, ang mga residensyal na konsyumer na kumonsumo ng 200 kWh ngayong buwan ay makararanas ng bawas singil na nagkakahalagang P72.


Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay bumaba ang presyo ng kuryente ng Meralco. Tinatayang umabot na sa P0.43 kada kWh ang kabuuang halaga ng ibinababa ng presyo ng kuryente ngayong taong 2021. Ayon pa sa Meralco, ang presyo ngayong buwan ang naitalang pinakamababang presyo ng kuryente mula Agosto 2017.


Sa katunayan, ang Meralco ay isa sa may pinakamababang presyo ng kuryente sa bansa. Ayon sa ulat ng Sun Star Cebu, ang Meralco ay nasa ika-77 na ranggo pagdating sa usapin ng presyo ng kuryente sa bansa sa halagang P7.85 kada kWh. Ito ay nangangahulugan na mayroong 76 na iba pang kooperatiba at distribyutor na mas mataas ang presyo kumpara sa Meralco. Ang presyo ng kuryente sa Davao naman ay mas mataas lamang ng bahagya sa presyo ng Meralco sa halagang P7.86 kada kWh. Ang Davao ang nasa ika-76 na ranggo.


Ayon sa datos ng Energy Regulatory Commission (ERC), nangunguna ang Camiguin Electric Cooperative sa listahan ng presyo ng koryente sa bansa sa halagang P13.47 kada kWh. Ikalawang may pinakamataas na presyo ng kuryente sa bansa ay ang Pampanga Electric Service Cooperative sa halagang P13.33 kada kWh. Sinusundan naman ito sa ikatlong pwesto ng Lubang Electric Cooperative sa halagang P12 kada kWh.


Sa tuluy-tuloy na pagbaba ng presyo ng Meralco, maaari pa itong bumaba sa listahan ng presyo ng kuryente sa bansa. Sa paliwanag ng Meralco, ang pagbaba ng presyo ng generation charge ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng kabuuang halaga ng presyo ng koryente nito.


Ayon kay Meralco First Vice President and Regulatory Management Head Atty. Jose Ronald V. Valles sa isang ginanap na press briefing kamakailan, nagkakahalagang P7.96 kada kWh ang karaniwang presyo ng kuryente ng Meralco. Nang ikumpara sa presyo ng kuryente noong taong 2019, napag-alamang mas mababa ng 10% ang presyo ng kuryente noong taong 2020 sa halagang P8.87 kada kWh.


Bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong unang bahagi ng taong 2020, maraming mga negosyo ang napilitang pansamantalang huminto sa operasyon. Upang makatulong sa mga konsyumer, ginamit ng Meralco ang probisyon ng Force Majeure sa mga power supply agreement (PSA) nito. Bilang resulta ay bumaba ang fixed charge na siningil ng mga supplier ng koryente na siyang nagpababa sa generation charge.


Ang paggamit na ito ng probisyon ng Force Majeure, kasabay ng pagbaba ng presyo ng koryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), paglakas ng presyo ng piso kontra dolyar, pagbaba sa presyo ng gasolina, at maging ang pananalanta ng mga bagyo sa bansa, ay naging dahilan din sa pagbaba ng presyo ng generation charge.


Tinatayang umabot sa kabuaang halagang P14 Bilyon ang naitipid ng mga customer ng Meralco bunsod ng pagbaba ng presyo ng generation charge.


Bagamat muling bumaba ang presyo ng koryente ng Meralco ngayong Marso 2021, hinihikayat pa rin ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente upang mas lalo pang makatipid sa bayarin. Makatutulong ito sa pagtitipid ng mga customer ngayong panahon ng pandemya lalo na’t nalalapit na ang pagpasok ng panahon ng tag-init, kung saan karaniwang tumataas ang konsumo sa kuryente ng mga customer.

 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page