top of page
Search
BULGAR

Maganda ang polisiya ng DPWH na paggamit ng plastic waste sa aspalto

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 14, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Kapag palpak ay hindi natin pinalalampas ngunit kung maayos naman ay marapat lang bigyan naman natin ng papuri tulad ng bagong polisiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa paggamit ng plastic waste para patagalin ang lifespan ng semento ng aspalto.


Sa pamamagitan ng Department Order No. 139, s. 2024, na nagsasaad ng ‘prescribing the department’s standard specification for the use of the recycled material dubbed Item 310 (15) – bituminous concrete surface course with low-densitypolyethylene (LDPE) plastic bag waste, hot laid ay inaprubahan ng DPWH.


Kaugnay sa naturang polisiya ay inatasan ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ang lahat ng regional offices, district engineering offices, at Unified Project Management Office clusters na sumunod sa naturang kautusan pagdating sa road construction projects.

We congratulate the DPWH for their innovative policy of integrating plastic waste in their infra projects, especially on road construction. Nakakatuwa kasi hindi lang ito para mas maging sustainable ang mga proyekto kundi malaking tulong din ito sa waste management.


Nakakatuwang makita na sa kabila ng ating mga pagpuna ay hindi naman tumitigil ang DPWH sa paghahanap ng solusyon at sa wakas ay isang malaking hakbangin ang polisiya nilang ito at sana ay hindi magkaroon ng hadlang na maisagawa agad ito sa lalong madaling panahon.  


Kung matatandaan natin nitong nakaraan lamang ay nagpatawag tayo ng hearing sa Senado patungkol sa pagbaha. Isa sa mga lumabas na rason ng mabilis na pagbaha ay ang dami ng basura na bumabara sa daluyan ng mga tubig, lalo na ang plastik. Kaya malaking tulong itong bagong polisiya ng DPWH para mabawasan ang problema natin sa basura.


Matagal na nating pinupukpok ang ahensya para makapaghanap ng solusyon gamit ang mga infrastructure projects upang masugpo ang pagbaha. Noon pa ito sa public hearing sa Senado ng Senate Committee on Public Works taong 2022 na pareho rin ang problemang tinalakay.


Noon pa man ay iminumungkahi ko na sa DPWH na gawing resilient at sustainable ang mga proyekto nila, and they did not disappoint with this new policy. Suportado natin basta i-assure lang nila na compliant sa standards ang mga materyales para masigurong hindi rin makompromiso ang mga infra project natin.


Sabagay, tiniyak naman ng ahensya na dapat isulong ang recycling ng LDPE plastic bag waste sa pamamagitan ng paggutay-gutay sa mga ito para mabawasan ang “susceptibility to permanent deformation of bituminous concrete surface course or asphalt concrete”.


Nabatid natin na ang paggamit pa umano ng LDPE plastic bag waste sa asphalt cement mix ay nagtala ng bagong panuntunan sa DPWH Bureau of Research and Standards.

Ngayon pa lamang ay excited na ako sa naturang polisiya dahil sa ganda ng paliwanag nito ay kitang-kita na ang magiging kapakinabangan. Sabagay, hindi naman ito natuklasan ng iisang tao lamang dahil binubuo ito ng mga eksperto sa DPWH na alam nating mahuhusay basta’t kikilos lang.  


Lalo pa at may babala na naman ang PAGASA hinggil sa paparating na Southwest Monsoon o Habagat na patuloy na magdadala ng mga pag-ulan sa National Capital Region, ilang bahagi ng Luzon at sa kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao. 


Sa pinakahuling weather forecast na inilabas ng PAGASA, ang Habagat ay inaasahang magdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa rehiyon ng Ilocos, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at Palawan.

Samantala, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa Habagat ang inaasahan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog rin ang maaaring maramdaman sa natitirang bahagi ng bansa dahil sa mga localized na thunderstorm.


Ayon pa sa weather bureau, posibleng magkaroon ng flash flood o landslide sa ilang bahagi ng bansa sa gitna ng sama ng panahon.


Babala ito ng PAGASA na hindi dapat balewalain para hindi tayo mapahamak. 

Marahil ay alam na ito ng pamunuan ng DPWH at Metro Manila Development Authority (MMDA) upang pangunahan din ang paghahanda at hindi na maulit pa ang masama nating karanasan.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page