top of page
Search

Magaling na abogado, ama sa bahay-ampunan

BULGAR

ni Mabel G. Vieron @Special Article | December 2, 2023


Atorni, abogado, tagapagtanggol.


Sila ang tinatakbuhan natin kapag tayo ay may problemang legal. Sila ang nagtatanggol sa mga naaapi at nangangailangan ng hustisya. Sila ang tagapag-ayos ng mga kasong hindi kayang solusyunan sa simpleng usapan lang.


Pero nakarinig na ba kayo ng abogado na, pilantropo pa?


Ang aking tinutukoy ay walang iba kundi si Atty. Eric Mallonga, isang child rights advocate at nagmamay-ari ng isang bahay-ampunan.


Dahil sa tulong ng kanyang mga kaibigan, naipatayo ni Atty. Eric ang orphanage na mas kilala bilang “Meritxell Children's World Foundation” na 16 years nang tumutulong sa mga kabataang inabandona at inabuso.


Tiyak na marami sa inyo ang mapapaisip kung bakit nga ba ito ang kanyang ipinangalan dito.


Ayon kay Atty. Eric, hinango umano ito sa Patron Saint of Andorra. Ang istorya ng patron kung saan umusbong ang isang ligaw na rosas at du’n nila nakita ang statue ng isang birhen.


Lakas-loob na sumugal si Atty. Eric sa pagtatayo ng bahay-ampunan. Aniya, malaki rin ang naitulong ng pagkakaroon nila ng eskuwelahan.


“Nakapagpatayo ng paaralan ‘yung nanay ko, at ito 'yung Infant Jesus Academy. Lahat ng batang nakukuha at nare-rescue namin na mga inabandona, pinabayaan, inabuso at mga nawalan ng mga magulang, 'yun ang mga batang tinutulungan at pinapaaral namin dito.”


Ang naging inspirasyon niya upang gawin ito ay walang iba kundi ang kanyang ina. Bata pa lang diumano si Atty. Eric, na-expose na ito sa pag-aalaga ng mga bata.


“Ako ‘yung laging inaatasan ng aking ina na tulungan 'yung mga bata. Ang nanay ko ang nagturo sa akin ng tamang values, at tamang kaugalian na tumulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga batang nag-aaral du'n sa paaralan namin,” pagbabahagi pa ni Atty. Eric.


Bukod sa kanyang ina, malaki rin ang pasasalamat ni Atty. Eric sa kanyang mga kaibigan, dahil ‘di lang moral support ang ginawa ng mga ito kundi nagbigay din ito ng financial support.


“Siyempre, dahil ina-advocate ko ang karapatang pambata, naisip ko na maganda 'yung programa o proyekto, 'di lang feeding program kundi pagbibigay ng tahanan, kung saan may mga caregiver na magmamahal sa mga bata at long-term ang pangangalaga rito,” dagdag-kuwento ni Atty. Eric.


Bawat bata diumano sa bahay-ampunan ay may sari-sariling kuwento. Pero ang kuwentong pinaka-memorable para kay Atty. Eric ay ang batang ibinigay sa kanila nu’ng sila’y nasa Boracay at ‘yung sanggol na ‘yun ay na-rescue sa talahiban na may nakapaligid na mga aso.


Grabe, hindi ba? Imagine, ‘yung sanggol na kanilang natagpuan ay mayroon pang umbilical cord na nakakabit sa kanyang pusod.


Habang pinapakinggan namin ang kuwento ni Atty. Eric, halu-halong emosyon ang aming naramdaman.


‘Di niya lubos-akalain na may mga magulang pala talagang napagbubuntunan ng galit ang kanilang mga anak, at hindi lahat ng magulang, kayang mahalin ang kanilang mga anak.


“Na-realize ko, suwerte ‘yung mga anak ko kasi habang itinatayo ko ito, [ipinaramdam] ko sa kanila ang unconditional love. Kailangang walang limitasyon, at kondisyon ‘yung pagmamahal na ibinibigay mo sa isang tao.


"Kahit ano pang sakit ang ibinigay nila sa iyo, kahit masakit na sa puso, tatanggapin mo ‘yun dahil mahal mo sila, at sa pagmamahal na ‘yun, mapapalitan ‘yun ang kaugalian nu’ng tao.


‘Yun ‘yung nalaman ko, that absolute and unconditional love can transform [a] person.”


Kahit na labis ang kanyang pagmamahal na ipinadarama at ipinapakita sa mga kabataan, dumating din si Atty. Eric sa puntong gusto niya na itong sukuan dahil hindi umano sa lahat ng panahon ay may sarili siyang pera o donasyong magagamit nila para sa mga pangangailangan ng bahay-ampunan.


Kung may tao man sa likod ng tagumpay ni Atty. Eric, ito ay walang iba kundi ang kanyang ina na si Mrs. Consolacion Mallonga. Malaki ang pasasalamat ni Atorni sa kanyang ina, dahil ito ang nagturo sa kanya kung paano mahalin at alagaan ang mga bata.


“Dati siyang madre sa Holy Spirit College sa Mendiola. Umalis siya sa pagka-madre para [makapag-isip-isip] kung tutuloy ba siya. [At] du’n niya na-meet ang tatay ko. Pero, hindi na siya madre nu’ng ako’y ipinanganak, ah,” paglilinaw pa ni Atty. Eric.


Bukod sa pagiging full-time lawyer, mayroon din siyang art gallery. Kinakaya niyang pagsabay-sabayin ito sa tulong ng kanyang 8 kapatid.


Ang pinoproblema na lamang niya ngayon ay ang susunod na hakbang na kanyang gagawin para sa mga bata.


Sa dami ng naitulong nina Atty. Eric sa mga kabataan, hindi umano sila naghahanap o naghihintay ng anumang kapalit.


“'Yung utang na loob na itinanim nila para sa amin, ibalik nila sa ibang tao, tulad ng pagtulong namin sa kanila. Tulungan nila 'yung pamilya nila. Pay it forward kumbaga.


“We make this world the better place to live in and for the children, they can pay it forward once they become adults and once they become professionals.”


Ito ang nais niyang gawin ng mga kabataang kanilang tinulungan. Tila nagsilbing liwanag si Atty. Eric sa mga batang may madilim na nakaraan at masakit na karanasan.


Magsilbi rin sanang inspirasyon ang kuwento ni Atty. Eric Mallonga na kahit hindi natin kadugo ay piliin pa rin nating tumulong sa mga taong nangangailangan.


Maraming salamat sa inyong walang sawang pagpapakita ng malasakit sa mga kabataan, Atty. Eric Mallonga. Nawa’y marami pang bata ang inyong matulungan.


Kaya mula sa BULGAR family, proud po kami sa inyo!!!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page