ni Mary Gutierrez Almirañez | February 18, 2021
Patay sa sunog ang mag-lola matapos ma-trap sa kanilang tirahan sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City kaninang madaling-araw, Pebrero 18.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa tailoring shop. Mabilis kumalat ang apoy dahil sa mga tela at gawa sa light materials ang mga bahay. Isa rin sa mga napansin ng BFP ay iisa lamang ang entrance at exit point ng lugar. Masyadong makipot ang daan kaya pahirapan ang paglikas sa mga residente.
Sa ikatlong palapag ng apartment naninirahan ang mag-lolang sina Pacita Lamac, 65-anyos, at Althea Monique Salumbidez, 13-anyos. Kasalukuyang nasa ospital ang iba nilang kaanak para bantayan ang kamag-anak na may sakit nang maganap ang insidente.
Nakaligtas naman sa sunog ang isa pa nilang kasama sa apartment at ang ibang nangungupahan.
First alarm lamang ang inabot at mabilis namang naapula ang apoy. Pangatlong sunog na ito mula noong nag-quarantine. Sa multi-purpose hall pansamantalang tutuloy ang 28-katao na nawalan ng tirahan.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyari. Pinabulaanan din ng kapitan ang alegasyon na posibleng sinadya ang sunog.
Comentarios