top of page
Search
BULGAR

Mag-ingat sa overcharging ng mga telco

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 13, 2023


Mga kababayan, muli tayong nagpapaalala na tingnan ninyong mabuti ang mga natatanggap ninyong billing mula sa mga kumpanya ng telekomunikasyon dahil maaaring na-o-overcharge na kayo nang hindi ninyo namamalayan. 

 

Kamakailan, ibinahagi ko sa inyo ang aking naging karanasan sa isang kumpanya ng telekomunikasyon kung saan mayroon akong isang mobile postpaid account na tatlong magkakasunod na buwan na nilang pinapatawan ng sobra-sobrang singil at tatlong buwan ko na ring inirereklamo sa kanila. 

 

Tatlong buwan na rin namang napapagtanto ng Smart Communications Inc. na higit nga sa dapat ko lamang bayaran ang naipapataw sa akin sa mga billing na ipinapadala ng kumpanya.

 

Ang siste nga lang, kada buwan ay kinakailangan kong tumawag sa hotline ng Smart para hilingin ang kanilang pagkansela ng sobra nilang sinisingil na talaga namang nakakapagod at nakakaabala nang masyado. 

 

Bakit ba hindi maayos at maitigil ng Smart ang paulit-ulit na pagkakamali sa kanilang ginagawang pagsingil gayong sa una pa lamang ay alam nilang may “hard stop” feature ang aking piniling plan, kung saan awtomatikong titigil ang data usage at charges kapag narating na ang itinakdang limit. 

 

Sa kabila ng kasalukuyan kong inihaing dispute para sa billing ng buwan ng Nobyembre na due pa sa katapusan ng Disyembre, nagulat na naman ako sa ginawang pagtawag ng Billing Department ng Smart noong Disyembre 6 na pinapaalalahan akong magbayad ng maling sinisingil nila sa akin na ilang libo rin. Na-detect daw ng system na may upcoming bill ako na kailangan nilang ialerto. Ang sagot ko ay may kasalukuyan akong reklamo ukol dito at napakalayo pa ng due date ko para ako paalalahanan. 

 

Naulit na naman ang ginawang pagpapaalala ng Smart noong Lunes, Disyembre 11, sa aking bayarin kahit wala naman akong hindi nababayaran o kulang sa bayad. Ang nakakagulat pa, tumawag ang Smart sa aking PLDT landline na hindi nila dapat ginawa sapagkat ang usapin naman ay tungkol sa aking mobile phone kung saan nila ako dapat tawagan. 

 

Dito ko lalong napagtanto na magulo at hindi synchronized ang sistema ng Smart. Kung kaya napilitan akong tumawag muli sa hotline ng kumpanya at kumustahin ang pinakahuling inihain kong reklamo tungkol sa kanilang hindi marapat na overcharging sa aking mobile phone account. 

 

Sa aking ginawang pagtawag noong Lunes ng mga pasado alas-kuwatro ng hapon, sinabihan ako ng customer care agent na may naka-note sa account ko na may dispute ako na “for email to request for manual adjustment” base sa feedback noong Disyembre 6. Sabi sa akin, hindi pa naisasagawa ang instructions sa note noong Disyembre 6 dahil kailangan ang muli kong pagtawag para ma-pull up ang account ko matapos ang kanilang verification process. Nakakaloka. 

 

Samantala, noong nakaraang Miyerkules, nakatanggap naman ako ng text mula sa Smart na nagsasabing, “Your dispute on usage charges is in progress. Our support team is working on it. We’ll update you again within 24 hours.” Naulit na naman ang ganitong mensahe noong Lunes at tumawag ang escalation team na nagsabing inaasikaso na nila ang aking dispute. 

 

Kako, may pag-asa ba talaga na hindi na muling maulit ang tatlong buwang sunud-sunod na maling overcharging ng Smart? Kung sila man ang lumagay sa katayuan ko, hindi rin sila papayag dito.

 

Walang katiyakan ang sagot ng kumpanya samantalang gagawan raw nila ng paraan para hindi na ito maulit. Hay, parang napakahirap naman ng aking hinihiling.

 

Paano na lamang kung ang naging biktima ng mga pangyayaring ito ay ang mga dapang-dapa na sa buhay at wala nang lakas at panahon para tumawag sa Smart? Sa lagay ba ay magtutuluy-tuloy na ang overcharging sa subscriber hangga’t walang inihahaing reklamo? Mahirap ba talagang ayusin ng Smart ang ganitong mga problema?


Ano ang tunay na nasa likod ng ganitong mga isyu na hindi maresolba ng kusa ng kumpanya?

 

Kaya mga kababayan, maging mabusisi tayo sa pagkilatis sa ating mga bayarin at huwag pabiktima.

 

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page