Mag-ingat sa heatstroke at sunog ngayong tag-init!
- BULGAR
- Mar 31, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 31, 2023
Nandito na, hindi na natin maaawat ang nararamdaman nating init matapos ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na simula na ng dry season.
Patok ngayon ang mga swimming party, beach resorts at gasgas na gasgas ang katagang ‘beat the summer heat’ na ultimo restaurant at mga drive-in hotel ay puro patungkol sa tag-init ang tinututukan na imbes maging negatibo ay ginawa nila itong bentahe para sa mga produktong pampalamig tulad ng halo-halo.
Ang inaalala ko lang, baka maaliw tayo sa dami ng infomercial hinggil sa magandang dulot ng summer kasabay ng paglalabas ng mga artificial solution, kabilang na rito ang pamamalagi sa mga shopping mall para makalibre sa aircon.
Pero dapat na maging doble ang ating kamalayan dahil sa panahon ng tag-init, isa sa kinakaharap nating problema ay ang sunog dahil karaniwan ay wala sa bahay dahil naghahanap ng masisilungang malamig na lugar.
Sa mga ganitong panahon, maraming gamit sa bahay ang bigla na lamang nagliliyab dahil sa sobrang init, kabilang na r’yan ang mga nakatabing alcohol, gasolina at iba pang kahalintulad na bagay na madaling pagmulan ng apoy.
Karaniwan ay walang patayan ang electric fan dahil sa sobrang init at dahil nakakatulugan ay hindi na namamalayang nag-overheat na at magigising na lamang na naglalagablab na ang bahay dahil bumigay na ang isinaksak na kagamitan.
Nagbigay din ng babala ang Department of Health (DOH) hinggil sa labis na pananatili sa labas ng bahay at lantad init dahil sa posible itong magdulot ng iba’t ibang klase ng sakit kabilang na ang heatstroke.
Ang heatstroke ay karaniwang nararanasan ng isang indibidwal kung nasa 33 hanggang 54 degrees Celsius ang heat index at hindi na makayanan ang nararamdamang init na nagdudulot ng pagkauhaw dahil sa grabeng pagkakalantad sa init.
Ilan sa mga dapat bantayan upang makaiwas sa heat stroke ay huwag magbilad sa araw, kung hindi maiiwasan ay dapat magdala ng inuming tubig at huwag pabayaang makaranas ng grabeng pagkauhaw at huwag balewalain ang nararamdamang sakit ng ulo o pananakit ng dibdib.
Kaya malaking bagay na sa panahong ito ay dapat na pinaghahandaan ang lahat ng gagawin sa loob ng isang araw upang makaiwas sa napakainit na sitwasyon dahil marami na ang binawian ng buhay dahil sa heatstroke, lalo na ang mga senior citizen.
Sakali mang may masaksihang biktima ng heatstroke, agad itong dalhin sa malilim na lugar at bahagyang ihiga at itaas nang bahagya ang dalawang binti at paypayan hanggang sa humupa ang nararamdamang init at painumin ng tubig.
Kung nawalan ng ulirat, alisin ang damit at pahiran ng tubig sa katawan, lagyan ng yelo sa kilikili, braso, bukung-bukong, singit at higit sa lahat ay dalhin sa pinakamalapit na ospital.
Nagbigay din ng babala ang DOH sa publiko hinggil sa naglipanang mga inuming ipinagbibili sa mga kalye tulad ng ‘palamig’, gulaman at iba pang matatamis na inumin dahil marami ang hindi tiyak kung malinis ang preparasyon ng mga ito.
Marami nga naman ang dahil sa takot na ma-dehydrate ay napipilitang tangkilikin ang nagbebenta ng inumin sa mga kalye at bahala na kung malinis o hindi, basta matugunan lamang ang nararamdamang uhaw, ngunit ang resulta umano nito ay gastrointestinal diseases.
Iwasan din ang pag-angkas o pagmamaneho ng motorsiklo sa mga panahong napakataas ng sikat ng araw dahil hindi gaanong nararamdman ang init dahil nakakasagap ng hangin habang umaandar, ngunit hindi nila alam na lantad na sila sa init at posibleng makaranas ng sintomas ng heatstroke.
Dapat ding magpahinga kahit kalahating oras ng mga kababayan nating ang trabaho ay lantad sa sikat ng araw, tulad ng mga traffic enforcer, street sweeper at mga kahalintulad nila upang makaiwas sa nakamamatay na heatstroke.
Pinapatotohanan din ng DOH na bagama’t mas marami ang mga may edad na nakararanas ng heatstroke, hindi ito basehan upang ang mga nakababata ay kaya nang pumagitna habang sikat ang araw dahil kahit bata ay puwedeng mabiktima ng heatstroke.
Tiyakin din na ang mga electric fan at ginagamit na aircon sa mga bahay ay bagong linis upang makasiguro na makapagbibigay ito ng sapat na lamig dahil kung marumi ay hindi nito maibibigay ang inaasahang lamig.
Maging ang mga refrigerator sa bahay ay dapat magbawas ng laman upang makasiguradong kaya pa nitong mapalamig nang maayos ang mga inuming tubig, dahil kung sobrang puno ay hirap din itong magpalamig kahit ng inuming tubig.
Malaking bentahe rin kung gagamit tayo ng natural light sa bahay dahil mainit kung gagamit tayo ng ordinaryong bumbilya. Kaya kung maliwanag pa ay patayin ang mga ilaw, buksan ang bintana at hayaang makapasok ang hangin.
Napakaraming dapat pagtuunan ng pansin na mga simpleng paraan lamang, ngunit malaking tulong ito para guminhawa ang pakiramdam at makaligtas sa tiyak na pagkasawi na dulot lamang ng sobrang init ng panahon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments