ni Lolet Abania | August 27, 2021
Patay ang dalawang batang babae matapos na ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Barangay Manggagawa, Guinayangan, Quezon ngayong Biyernes.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Guinayangan, sumiklab ang apoy pasado ala-1:00 ng madaling-araw ngayong Biyernes, kung saan umabot sa 39 kabahayan ang natupok habang tinatayang nasa 50 pamilya ang apektado ng sunog.
Itinaas naman sa ikalawang alarma ang sunog habang kinailangan pa ang tulong ng ibang mga bumbero sa karatig-bayan para tuluyang maapula ang apoy.
Kinilala ng BFP ang mga nasawi na sina Michaela Avellanosa, 15-anyos at Melissa Joy Dela Cruz, 4-anyos.
Paliwanag ng ina ni Melissa na si Imelda, iniiwan nilang mag-asawa sa bahay sina Melissa at Michaela para manguha ng isda sa bayan ng Calauag. Araw-araw umano nila itong ginagawa dahil sa kanilang hanapbuhay.
Nakuha ang bangkay ng dalawang bata na magkayakap pa sa bahagi ng kuwarto kung saan sila natutulog.
Ayon naman sa ina ni Michaela na si Marissa, sinubukan pa niyang iligtas ang mga bata subalit mabilis na kumalat ang apoy, kung saan nasugatan ang braso nito matapos na mapaso.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP para tukuyin ang naging dahilan ng sunog. Tinatayang nasa P800,000 ang halaga ng napinsala dahil sa sunog.
Agad namang nagpaabot ng tulong sina Guinayangan Mayor Cesar Isaac at ang tanggapan ni Representative Angelina Tan ng Quezon province.
Comments