News @Balitang Probinsiya | August 27, 2024
NEGROS OCCIDENTAL – Sumurender sa pamahalaan ang mag-asawang miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) kamakalawa sa Brgy. Bato, Sagay City sa lalawigang ito.
Ang mag-asawang sumukong NPA ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad para sa kanilang seguridad.
Napag-alaman na isinurender din ng mag-asawang NPA ang mga dala nilang armas, bala sa subersibong dokumento sa mga otoridad.
Ayon sa mga sumukong rebelde, nakakaranas na umano sila ng gutom sa bundok at nais na rin nilang magbagong-buhay kaya nagbalik-loob sila sa pamahalaan.
Isinasailalim na sa taktikal na interogasyon ang mag-asawang komunista.
MOTORSIKLO NG VENDOR, NINAKAW
GENERAL SANTOS CITY -- Isang vendor ang biktima ng carnapping matapos nakawin ng isang hindi kilalang lalaki ang motorsiklo niyang nakaparada kamakalawa sa Brgy. Mabuhay sa lungsod na ito.
Sa kahilingan ng biktima ay hindi na isinapubliko ng pulisya ang kanyang pangalan.
Ayon sa biktima, ipinarada lang niya ang kanyang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay pero makalipas ang ilang oras ay nawala na ito at nang suriin sa CCTV, dito nakita na ninakaw ng suspek ang kanyang sasakyan.
Dahil dito, agad ini-report ng biktima ang pagnanakaw ng suspek sa kanyang motorsiklo.
Naglunsad na ang pulisya ng manhunt operation para madakip ang suspek.
11 BAHAY TINUPOK NG APOY
ILOILO CITY – Nasa 11 bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Brgy. Mansaya, Lapuz District sa lungsod na ito.
Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa naturang lugar.
Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang 10 pang kabahayan.
Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa 11 tahanan na nasunog sa nabanggit na barangay.
ERPAT AT ERMAT, SINAKSAK NG DALAGITANG ANAK
ILIGAN CITY -- Isang 16-anyos na dalagita ang dinakip ng mga otoridad matapos saksakin ang kanyang ama at ina kamakalawa sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Buru-un sa lungsod na ito.
Sa kahilingan ng kanilang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng suspek at mga magulang na nagtamo ng tig-isang saksak sa katawan.
Ayon sa ulat, natutulog ang mag-asawa sa kuwarto ng kanilang bahay nang unang sinaksak ang ama at pagkaraan ay sinaksak din ang ina.
Bagama’t sugatan ay nagawa ng ama na agawin ang patalim, at ang ina naman ay nakahingi ng saklolo sa mga otoridad kaya naaresto ang suspek.
Inaalam na ng pulisya ang motibo ng anak sa tangka nitong pagpatay sa kanyang mga magulang na kapwa ginagamot na sa ospital.
Comentarios