top of page
Search
BULGAR

Mag-asawang baon sa utang, pangingibang-bansa ang sagot

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | January 25, 2024


Dear Maestro,


Limang taon na kaming nagsasama ng misis ko, pero kamakailan lang ay nag-away kami dahil sa pera. Marami kaming mga utang na hindi namin nabayaran dahil laging kapos ang sinusuweldo ko, at nang mag-away kami ng misis ko, umuwi siya sa kanila.


Gusto kong malaman kung babalik pa ba ang misis ko rito sa apartment namin o dapat ko na siyang sunduin? Gayundin, compatible ba kami at makakabayad pa ba kami ng mga utang? Nais ko ring malaman kung makakaahon pa kaya kami sa aming kabuhayan? Nahihirapan talaga kami ngayon. Ang birthday ng misis ko ay February 1, 1988 habang ako naman ay October 13, 1987.  

 

Umaasa,

Glenn ng Almanza Uno, Las Piñas City

 

 

Dear Glenn,


Kung Astro-Numerology na pag-aanalisa ang tatanungin, sadya at tunay ngang compatible kayo ng misis mong isinilang sa zodiac sign na Aquarius habang Libra ka naman. Ito ay dahil ang Libra at Aquarius ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong air o hangin.


Sa Numerology naman ay ganundin, ang birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) ay tugma sa birth date niyang 1, dahil ang 4 at 1 ay may iisang planetang tinataglay – ang planetang Uranus-Sun.


Ibig sabihin, wala kang dapat gawin kundi sunduin na ang iyong misis sa mga biyenan mo, dahil siguradong sa taon ding ito ng 2024, paghumingi ka ng tawad sa kanya, muling mabubuo at magiging liligaya ang inyong pamilya.


Samantala, upang makaahon sa mga pagkakautang at kahirapang bumabalot ngayon sa inyong pamilya, iminumungkahi ng birth date mong 4 at 1 naman si misis na mag-apply kayo sa ibayong-dagat.


Sapagkat, ayon sa inyong Travel Calendar, sa susunod na taong 2025, sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre, isa sa inyo ni misis ang makapag-a-abroad, na siya na ring magiging simula o daan upang tuluy-tuloy na kayong makaaahon sa mga pagkakautang at kahirapan hanggang sa tuluyan nang umunlad ang inyong kabuhayan at sa taong 2039 sa edad mong 52 pataas, unti-unti na rin kayong yayaman.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page