top of page
Search
BULGAR

Mag-aregluhan na raw sila ni Vhong… SIGAW NG ABOGADONG LOLO NI DENIECE: MOVE ON NA LANG!

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | October 13, 2022




Hindi natuloy ang face-to-face hearing nina Deniece Cornejo at Vhong Navarro para sa kasong rape nitong Martes, Oktubre 11.


Hiniling ni Vhong na sa pamamagitan ng Zoom na lang siya dumalo sa pagdinig na pinayagan naman ng korte, samantalang si Deniece ay kinailangang dumalo physically kasama ang head ng legal team niyang si Atty. Howard Calleja.


Marami lang ang nagtataka kung bakit nagbigay ng opinyon ang lolo ni Deniece na si Atty. Axel Gonzales na mag-usap na lang ang magkabilang kampo at mag-aregluhan.


Sabi ng lolo ng dalaga sa panayam niya sa TV Patrol, “Kung ako ang tatanungin as a lawyer, ‘no, hindi ko pinangungunahan si Atty. (Howard) Calleja, 'di ba? But as a lawyer, pareho silang may career, dapat i-settle na nila ang problema.


“Because may rape case si Deniece kay Vhong, si Vhong naman may (kasong) serious illegal detention sa kanila, so what will you do?


“Ang punto is tulungan na lang natin ang korte! Let us settle all these problems na puwedeng ma-settle, 'di ba? And then move on na lang para sa akin.”


Kaya balik-tanong sa abogadong kaanak ni Deniece ay, “Is this something that you recommend to Deniece?"


Sangga nito, “No, that is my personal opinion. Hindi ko iho-hold ang grupo, ‘no, especially marami ‘yan sila. Para sa akin, dapat siguro, mag-settle na lang sila, mag-move on na lang para matapos na, kasi ang mga nakikinabang lang dito, mga abogado, eh.”


Wala namang reaksiyon ang abogado ni Deniece na si Atty. Calleja dahil ang usapan nila ng kliyente niya ay dapat mapanagot si Vhong sa ginawa umanong panghahalay sa dalaga.


Samantala, nagbigay naman ng saloobin niya si Manay Lolit Solis sa pinagdaraanan ngayon ni Vhong.


“Naawa naman ako sa mga nangyayari ngayon kay Vhong Navarro, Salve. Hindi mo aakalain na sasapitin niya ang pangyayaring ito lalo na ngayon, nasa itaas ang kanyang career, at pati personal life niya ay maayos.


“Biglang nabuhay ang kaso na akala ng marami ay tapos na, pero heto ngayon at isang malaking iskandalo. Isang aral ito sa mga artistang lalaki, na maging maingat sa kanilang mga relasyon.


“Hindi lahat ay natatapos sa maganda, puwede may bitterness na maiwan at iyon ang maging dahilan para balikan ka sa pamamagitan ng anuman para lang makaganti sa iyo.


Sana nga, maging maayos na ang lahat sa kaso nina Vhong at Deniece.


“Sana nga, mapag-usapan nang maayos para maging maganda ang resulta. Mahihirapang makatayo uli si Vhong Navarro mula sa scandal na ito. Malaking suntok sa kanyang magandang career ngayon ang nangyaring scandal.


“Pero higit sa lahat, kawawa rin ang pamilya niya na nagsa-suffer ngayon, lalo na ang kanyang asawa. Kung anuman siguro ang naging kasalanan ni Vhong Navarro, sure ako na ngayon, sobra-sobra na ang pagsisisi niya.


“At kung maibabalik lang ang araw, tiyak na hindi niya gagawin kung anumang pagkakamali ang nagawa niya. Siguro nga, naisip na niya na sa isang iglap, puwedeng mawala ang lahat, kaya dapat na maging maingat sa anumang gagawin. Justice is fair kaya iwanan na natin sa hustisya ang lahat. Naniniwala tayo na kung ano ang nararapat, iyon ang mangyayari.


Hustisya, 'yan na lang ang hintayin natin. #classiclolita


0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page