ni Fely Ng @Bulgarific | December 4, 2023
Hello, Bulgarians! Inanunsyo ng Pag-IBIG Fund nito lamang nakaraang Biyernes, ika-24 ng Nobyembre na ang calamity loan ng ahensya ay handang tumulong sa mga miyembrong naapektuhan ng malakas na paglindol sa Southern Mindanao at maging sa mga miyembro mula sa Eastern Visayas na nakaranas ng matinding pagbaha.
Ayon kay Secretary Jose Rizalino L. Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development at chairperson ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees na ang Pag-IBIG Fund ay naglaan ng calamity loan funds para sa mga apektadong miyembro nito mula Sarangani, Davao Occidental, Glan, Sarangani Province, General Santos City at iba pang bahagi ng Mindanao, gayundin sa Eastern Samar, Northern Samar at mga sinalantang lugar sa Eastern Visayas.
Ito ay naglalayong matulungan silang makabangong muli mula sa pinsalang idinulot ng paglindol at pagbaha noong nakaraang linggo. Nakikipagtulungan din ang ahensya sa mga local government units ng mga nasabing lugar bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maipaabot ang lahat ng kinakailangan at nararapat na tulong para sa ating mga kababayang sinalanta ng ganitong klase ng trahedya at kalamidad.
Sa ilalim ng Pag-IBIG Calamity Loan, ang mga kuwalipikadong miyembro ay maaaring humiram ng hanggang 80% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Savings, na binubuo mula sa kanilang buwanang kontribusyon, mga kontribusyon mula sa kanilang employer, at mga naipong dibidendo na kinita. At bilang pagsasaalang-alang sa kalagayan ng mga miyembro, ang loan ay inaalok sa rate na 5.95% kada taon, na siyang pinakamababang rate sa merkado. Ang utang ay babayaran sa loob ng hanggang tatlong taon, na may palugit na tatlong buwan upang ang paunang pagbabayad ay dapat bayaran lamang sa ikaapat na buwan pagkatapos mailabas ang utang. Maaaring mag-apply ang mga kuwalipikadong borrower para sa calamity loan sa loob ng 90 araw mula sa petsa kung kailan idineklara ang isang lugar sa ilalim ng state of calamity.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, nakapaglabas na ang ahensya ng P2.48 bilyon na calamity loan para matulungan ang 149,607 miyembro nito sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad sa bansa noong Oktubre ng taong kasalukuyan.
Idinagdag din niya na nauunawaan nila na kailangan ng mga miyembro ang agarang tulong pinansyal, kaya naman tinitiyak ng ahensya na lahat ng programa at serbisyo ay mananatiling bukas para sa kanila. Kahit pa man ang kanilang mga tanggapan at tauhan sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad ay apektado rin ng nasabing sakuna na ito, mananatiling bukas at handang tumanggap ang mga sangay nila para sa mga aplikasyon ng pautang at mga claim sa insurance sa housing loan.
Nakahanda na ring i-deploy ang Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa mga lugar na pinakaapektado. Mayroon ding Virtual Pag-IBIG na handang tumanggap ng kanilang calamity loan applications online para sa mga miyembrong may access sa internet.
Tinitiyak din nila sa mga miyembro na maaasahan nila ang kanilang Lingkod Pag-IBIG na tutulong sa kanila sa panahong ito ng pagsubok.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments