top of page
Search
  • BULGAR

Mag-amang Lebron at Bronny maglalaro sa iisang koponan

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 29, 2024



Sports News
Photo: Lebron James / IG

Kung ang PBA may tambalang Sonny Jaworski at Dodot Jaworski sa Barangay Ginebra noong Dekada 90, magkakaroon  ng mag-amang magkakampi ang NBA sa katauhan nina LeBron James at kanyang panganay Bronny James.  Pinili ng Los Angeles Lakers ang binata na ika-55 sa Round 2ng 2024 NBA Draft kahapon, isang hakbang na hindi ikinagulat ng karamihan.


     Ilang buwan bago ang seremonya ay naghayag ng plano na kunin ng Lakers ang 19-anyos na 6'2" guwardiya kahit inulan sila ng batikos ng nepotismo.  Katatapos lang ni Bronny ng unang taon sa University of Southern California Trojans kung saan nagtala ng 4.8 puntos, 2.8 rebound at 2.1 assist sa 26 laro na karamihan ay bilang reserba -- mga numerong hindi gaanong umaagaw ng pansin.


     Matatandaan din na noong Hulyo, 2023 ay inatake sa puso si Bronny habang nag-eensayo subalit nagpagaling at nakalaro pa rin sa Trojans.  Marahil ay nabigyan din siya ng pahintulot na lumahok sa kampo kasama ang mga kapwa aplikante ngunit hindi mawawala ang tanong tungkol sa kanyang kalusugan.


     Kabuuang 58 pangalan ang tinawag imbes na 60.  Binawian ng NBA ng tig-isang pagpili sa Round 2 ang Philadelphia 76ers at Phoenix Suns bilang parusa sa paglabag sa alituntunin laban sa maagang negosasyon ng kontrata sa manlalaro.


     Unang kinuha ng Lakers si 6'5" gwardiya Dalton Knecht galing University of Tennessee na ika-17 sa Round 1 noong Huwebes. Matapos kay Bronny ay pinili sina 6'5 Kevin McCullar Jr ng Suns, 6'10" Ulrich Chomche Memphis Grizzlies at 6'11" Ariel Hukporti ng Dallas Mavericks. 


     Ngayon at nandiyan ang kanyang anak at itinalagang bagong coach ang kaibigang si JJ Redick, tila mananatili si LBJ sa Lakers.  Kahit minsan ay hindi nagsabay sa sahig sa opisyal na laro ang mga Jaworski kaya titingnan ngayong Oktubre kung lilikha ng bagong kasaysayan ang mga James.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page