top of page
Search

Mag-aaral ng ALS, ‘wag sayangin ang pagkakataon, tapusin ang programa

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 20, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Nakakabahala ang lumabas na datos ng Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) pagdating sa bilang ng mga nagtatapos sa Alternative Learning System (ALS).


Nitong School Year 2023-2024, halimbawa, lumalabas na wala pang kalahati o 302,807 (46.2%) lamang sa 655,517 na mga mag-aaral ang nakatapos sa programa.Para sa mga hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, ang ALS ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon.


Noong maisabatas ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510) na isinulong ng inyong lingkod, ginawa nating institutionalized ang ALS, pinatatag natin ito, at pinalawak ang saklaw para matulungan natin ang mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mag-aaral, kabilang ang mga indigenous people na hindi nakapagtapos. 


Kasama sa mga out-of-school children in special cases ang mga mag-aaral na may kapansanan, children in conflict with the law, at mga kabataang nasa gitna ng mga sakuna.


Ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF noong 2021, ilan sa mga dahilan ng mataas na dropout rate ang kakulangan ng suportang pinansyal, ang pangangailangan sa trabaho, at ang kawalan ng interes.


Ngunit kung wala pang kalahati ng mga mag-aaral ng ALS ang hindi nakakatapos, lumalabas na nasasayang ang pangalawang pagkakataong ibinibigay natin sa kanila.


Kaya naman nanawagan tayo sa Department of Education (DepEd) na tugunan ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas sa ALS upang mapataas ang bilang ng mga nagtatapos sa programa.Isa sa mga mungkahi natin ang pagkakaroon ng guidance and counseling program upang mahikayat ang mga mag-aaral ng ALS na manatili sa programa.


Mahalagang maunawaan din ng ating mga mag-aaral sa ALS ang mga oportunidad na maaari nilang matanggap sa ilalim ng programa.Pinuna rin ng EDCOM na bagama’t nilagdaan ang batas sa ALS noong 2020, hindi pa rin lumalabas ang ilan sa mga pamantayan para sa pagpapatupad nito.


Kabilang dito ang mga pamantayan para tulungan ang local government units (LGUs) na magamit ang Special Education Fund (SEF). Hindi rin lumalabas ang revenue regulations na magbibigay sana ng mga tax incentives para sa pribadong sektor sa kanilang kontribusyon sa ALS. Hindi pa rin lumalabas ang mga pamantayan para sa pagkilala sa mga pribadong ALS providers.


Ang ALS ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa ating mga kababayan at hindi natin ito dapat sayangin. Tiwala ako na sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng mga komunidad, maaabot natin ang bawat isa sa ating mga kababayang nangangailangan ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon. Matitiyak nating hindi sila mapag-iiwanan at masusuportahan natin silang magkaroon ng magandang kinabukasan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page