top of page
Search
BULGAR

Mag-aaral na may kapansanan, ‘di dapat maiwan sa edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 10, 2020



Sa pamamagitan ng mga angkop na polisiya, patuloy ang ating pagtugon sa kahalagahan ng angkop na edukasyon para sa lahat — kabilang na ang mga learners with disabilities o mag-aaral na may kapansanan.


Ayon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), may limang milyong kabataan ang may kapansanan sa bansa at halos kalahating milyon sa kanila ang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.


Sa isang survey noong Mayo ng organisasyong Save The Children, halos kalahati sa mahigit 4,000 respondents nito ang nagsabing naantala ang kanilang pag-aaral dahil sa lockdown.


Pero bago pa man sumiklab ang pandemya ng COVID-19 sa bansa, hindi kaila na hirap na talaga ang marami sa ating mga kabataang may kapansanan na makatanggap ng edukasyon.


Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang mga problemang pinansiyal at kakulangan sa mga pasilidad sa edukasyon ang itinuturong pangunahing dahilan kung bakit maraming kabataang may kapansanan ang hindi makapag-aral.


Ang mga hamong ito ang layong matugunan sa panukalang-batas ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1907 o ang Instituting Services and Programs for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act. Sa ilalim ng panukala, walang mag-aaral na may kapansanan ang maaaring pagkaitan ng pagkakataong pumasok sa pampubliko o pribadong paaralan para sa kanyang basic education.


Sa ilalim pa ng naturang panukala, ang Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan ay magpapatayo at magpapatakbo ng mga Inclusive Learning Resource Centers (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Layon ng mga ILRCs na ito na maghatid ng mga libreng support services at programa para sa mga mag-aaral na may kapansanan.


Sa bawat ILRC ay magkakaroon ng mga multidisciplinary team na binubuo ng mga ekspertong tulad ng mga special education teachers, psychologists, guidance counselors, social workers, interpreters at iba pang mga allied medical professionals. Ang mga ILRC din ang nakatakdang magpatupad ng Child Find System (CFS) na hahanap at susuri sa mga kabataang may kapansanan na hindi nakakapag-aral.


Bukod pa rito, ang bawat mag-aaral na may kapansanan ay gagawan ng Individualized Education Plan (IEP) na bubuuin ng multidisciplinary team sa tulong ng mga paaralan at child development centers. Hangad ng bawat IEP na matugunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng bawat mag-aaral at matukoy ang mga programa at serbisyong kakailanganin nila.


Ngayon na bumabangon tayo mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, kailangan nating tiyakin na tinutugunan ng sistema ng edukasyon sa bansa ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral at kabataang may kapansanan. Sa pamamagitan ng mga reporma at panukalang-batas na isinusulong natin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mas matitiyak natin na walang batang may kapansanan ang maiiwan sa ilalim ng new o better normal.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page