top of page
Search
BULGAR

Mag-aaral, huwag pabayaang matulog sa pansitan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 8, 2023


Binabati natin ang mga pumasa sa Bar examinations ngayong taon na talaga nga namang magdiriwang ng Kapaskuhan nang may saya at kasabikan sa pagharap sa darating na taon.


Ang nanguna o top 1 ay nagmula sa University of Santo Tomas na si Ephraim Porciuncula Bie na nakakuha ng marking 89.2625%. Nakakaantig ang kanyang mga sinabi sa mga panayam tungkol sa kanyang pagkagulat sa nasabing resulta. Nahirapan daw siya sa Bar exams at hindi siya sigurado sa kanyang sariling papasa siya dahil tatlong buwan lamang ang kanyang naibuhos na pag-aaral o review sa gitna ng kanyang trabaho. Aniya, siya rin ang kauna-unahang abogado sa kanilang pamilya.


Maging inspirasyon nawa si Ephraim sa bawat mag-aaral na nangangarap na may marating sa buhay at bawat pamilyang nagtataguyod ng kanilang mga anak sa pag-abot ng kanilang mga mithiin.


Ang disposisyong ipinamalas ni Ephraim sa kanyang hindi pagiging kampante samantalang ginawa niya ang lahat ng kanyang kayang gawin sa gitna ng kanyang sitwasyon ay kahanga-hanga.


Tiyak na sa likod nito ay maraming araw na pagpupuyat, pamamalagi sa isang sulok na nag-iisa sa pag-aaral, pagsasakripisyo at pananalangin.


Kapag matindi ang pagtuon ng isang tao sa kanyang nais maabot sa buhay, hindi siya susuko anumang hirap ang kanyang daraanan sapagkat ito ay parte ng pagkamit niya ng kanyang pangarap.


Ang mga buo ang loob sa kanilang gustong marating ay hindi mabibigo dahil sasalungahin nila ang lahat ng tila hadlang na darating at pagtatagumpayan ito.


Inspirasyon rin sa atin ang pagpasa ng isang 62 taong gulang na babaeng si Rosula Calacala sa kanyang unang kuha o first take niya ng Bar exams. Natapos na siya sa kanyang mga obligasyon sa kanyang mga anak, at habang nagtatrabaho ay naisipan niyang mag-aral ng batas sa Northeastern College sa Isabela. Ang mensahe niya para sa kanyang mga kapwa senior citizen, “Mag-aral pa kayo o kumuha ng Law. Hindi n’yo alam ang bukas.”


Hindi nga naman dapat maging hadlang ang edad sa patuloy na pangangarap sa buhay. Iyan ang malinaw na ipinamalas sa atin ni Ginang Calacala. Nawa, ang kanyang determinasyon ay pumukaw sa bawat senior citizen para kamtin ang mas mataas pang adhikain sa buhay.

***


Samantala, umaasa tayong pagbubutihin ng Department of Education ang kanilang trabaho at pagtutulungan ng sambayanang Pilipino para mapaangat sa kalidad ng edukasyon sa gitna ng inilabas na resulta ng Program for International Student Assessment o PISA.


Hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo ay nakaranas ng learning loss ang mga estudyante simula pa noong pandemic. Kahit ang mga economically advanced na bansa ay nagtamo rin ng pagbaba ng kakayanan ng kanilang mga mag-aaral sa pagbasa, matematika at agham o science. Samantala, ilang bansa naman gaya ng Japan, Canada at Estonia ang nagpamalas ng higit pa sa average sa lahat ng tatlong pagsusulit.


Ang mga nakuhang marka ng iba’t ibang kabahaging bansa ay sinasabing produkto ng kani-kanilang sistemang pang-edukasyon at mga sitwasyon ng mag-aaral sa labas ng paaralan kasama na ang kani-kanilang kalagayang socio-economics. Kaya’t magtulungan tayong lahat para maiayos ang mga ito. Sapagkat ang galing ng ating mga mag-aaral ay salamin ng magiging kapasidad ng ating bansa sa pagtahak ng landas ng kaunlaran.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page