ni Ryan Sison - @Boses | August 25, 2021
Kung noon ay isinusulong na magkaroon ng hiwalay na pampublikong sasakyan ang mga bakunado at hindi, ngayon ay humihirit na rin ng mas maluwag na protocols ang mga negosyante para sa mga indibidwal na fully vaccinated.
Sa panukala ng mga negosyante, bukod sa puwedeng lumabas ng bahay para magtrabaho ang mga bakunado, puwede rin silang pumunta sa malls at iba pang establisimyento na pinapayagang mag-operate ng gobyerno. Gayundin, papayagang mag-dine in sa mga restoran ang mga ito.
‘Yun nga lang, tulad ng inaasahan, hindi lahat ay pabor dito. Marami tayong kababayan na nagpahayag ng kani-kanyang opinyon at suhestiyon, habang si Health Secretary Francisco Duque naman, mayroon ding agam-agam dahil puwede aniyang kuwestiyunin ang legalidad nito.
Sa totoo lang, nauunawaan naman natin ang layuning kahit paano ay patuloy na makapag-negosyo, pero sa totoo lang, marami pang dapat pag-aralan at ikonsidera bago ito ipatupad.
Nariyan ang posibilidad na magkaroon ng diskriminasyon at posibleng maging dahilan ito upang malimitahan ang pagkilos ng ating mga kababayan.
Bagama’t walang pilitan ang pagpapabakuna, para na rin nating sinasabing i-require na ito para mas malayang makakilos ang bawat isa.
Hindi natin nilalahat, pero desisyon ng iba na hindi talaga magpabakuna, pero marami rin tayong kababayan na naghihintay lamang na maturukan. At siyempre, dahil pa rin ‘yan sa kakulangan ng suplay ng bakuna, kaya hindi dapat taumbayan ang magdusa kung bakit hindi pa sila nababakunahan.
Mabuti na lang, may ilang lungsod sa pumapayag nang magbakuna sa mga ilang taga-karating-lugar dahil makatutulong ito upang matugunan ang mabagal na roll out ng bakuna sa ibang lungsod.
‘Ika nga, roon tayo sa mas epektibo at makatotohanang solusyon. Kumbaga, dapat win-win sa lahat at walang kawawa.
Kaya malaking hamon sa gobyerno ang pagbangon ng ekonomiya habang hinaharap ang iba pang mga problemang dala ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments