ni Ryan Sison - @Boses | July 15, 2021
Bago ang nakatakdang pag-aanunsiyo ng pamahalaan sa bagong quarantine classifications para sa Hulyo 16 hanggang 30, kani-kanyang suhestiyon ang mga eksperto tungkol dito.
Habang tinitingnan pa ng Department of Health (DOH) at Malacañang ang posibilidad ng pagpapanatili ng National Capital Region (NCR) at iba pang high-risk provinces sa general community quarantine (GCQ) hanggang Disyembre, ipinayo naman ng OCTA Research Group na panatilihin ang GCQ sa Metro Manila hanggang katapusan ng Hulyo dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19, lalo na ang Delta variant.
Ayon kay Dr. Ranjit Rye ng OCTA Resarch Group, maaari namang magluwag sa pagbubukas ng mga business establishment, ngunit kailangan pa ring mapanatili ang istriktong health protocols sa rehiyon.
Bagama’t inamin nito na gumaganda na ang sitwasyon sa Metro Manila, upang mapanatili ang ganitong kondisyon ay kailangan pa ring paigtingin ang pag-iingat, pagsunod sa health protocols at pagbabakuna.
Sa totoo lang, hindi pa talaga handa ang NCR sa mas maluwag na quarantine restrictions, lalo na ang mamamayan.
Matatandaang kasabay ng pag-iral ng vaccination program ng pamahalaan ang pagiging kampante ng ilan nating kababayan. Katwiran ng mga ito, may bakuna naman at mas safe na sa virus. Kaya ang ending, dedma sa ilang health protocols at nagpapabaya na sa kani-kanilang sarili, dagdag pa na pinapayagan nang makalabas ang mga batang nasa edad 5 pataas.
Habang hindi pa talaga posible ang mas maluwag na quarantine restrictions, panawagan natin sa lahat na ipagpatuloy ang pag-iingat.
At pakiusap naman sa mga kinauukulan, tiyaking naipatutupad at nasusunod ang health protocols sa lahat ng oras at hindi kung kailan lamang maisipan. Isa pa, siguraduhin nating magiging handa rin ang taumbayan sa oras na luwagan ang restrictions.
Tandaan na malaking hakbang pa rin ang mga ito upang makaiwas sa hawaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments