ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 6, 2024
Dear Sister Isabel,
Isa akong anak sa pagkakasala ng nanay ko, naanakan siya sa abroad ng isang lalaking hindi niya alam na pamilyado na pala, at ako ang naging bunga ng kanilang bawal na pag-ibig.
Tinakasan at pinagtaguan siya ng lalaking iyon at h at hindi niya alam kung saan niya ito ito hahanapin. Mag-isa niya akong itinaguyod, sa galit niya sa ama ko, ako ang napagbubuntungan niya at hindi ko na maramdaman ang pagmamahal niya sa akin.
Nang mag-asawa siyang muli, lalong naging kalbaryo ang buhay ko, ginawa nila akong katulong ng asawa niya, hindi na anak ang trato niya sa akin kundi katulong.
Hirap na hirap na ang kalooban ko kaya naisip ko na lamang na mag-asawa at lumayo sa poder ng nanay ko. May boyfriend ako ngayon at mahal na mahal niya ako.
Niyayaya na niya rin akong magpakasal at hinahanda na namin ang mga detalye tungkol sa aming kasal.
Tama ba gagawin ko, Sister Isabel? Nasa tamang edad na rin naman ako, pero hindi ko lang talaga maiwan ang nanay ko dahil kahit ganu’n siya, mahal na mahal ko pa rin siya at utang ko sa kanya ang aking buhay.
Nagpapasalamat,
Lily ng Muntinlupa
Sa iyo, Lily,
Kani-kanyang kapalaran ang isang tao, masaklap lang kung tutuusin ang sinapit ng nanay mo, pero mali na sa iyo ibuntong ang paghihiganti niya sa ama mo. Ang masaklap pa rito, binuhay ka nga niya at hindi pina-abort pero ginawa ka namang katulong.
Ikaw naman bilang anak na nagtiis sa iyong ina, napakabuti mong anak. Saludo ako sa iyo, pero may hangganan din ang lahat.
Sa palagay ko, tama ang iniisip mo na tanggapin ang pag-ibig ng boyfriend mo at pumayag ka na maikasal sa kanya. May karapatan kang hanapin ang iyong kaligayahan, lalo na ngayong nasa tamang edad ka na para lumagay sa tahimik.
Nagawa mo na ang role mo sa nanay mo, kaya humayo at hanapin mo naman ang sarili mong kaligayahan. Sa paglayo mo, palagay ko ay matatauhan ang nanay mo at maiisip niya ang mga pagkakamaling ginawa niya sa iyo.
Sa kabilang dako, manatili ka pa ring mabuting anak. Mahalin at dalawin mo pa rin ang nanay mo. Pinagpapala ng Diyos ang mga anak na mapagmahal sa magulang. Natitiyak kong pagpapalain at magiging masaya ka sa magiging husband mo.
Hanggang dito na lang, best wishes and advance congratulation sa nalalapit n’yong kasal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comentarios