ni Mylene Alfonso @News | August 20, 2023
Kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung bakit ang pagpapagawa ng bagong 1,000-peso note ay ikinontrata nito sa Australia.
“Ibig sabihin, ang sarili nating pera ay imported at made in Australia,” dagdag pa ni Tulfo.
Kinuwestiyon din ng senador ang 'pang-aarbor' umano ng BSP sa Philippine Statistics Authority (PSA) sa pag-imprenta ng national IDs.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Finance noong Agosto 16, ipinagtataka ni Tulfo kung bakit ang BSP ang gagawa nito kung saan ang trabaho ay mag-imprenta ng pera.
Nakialam aniya ang BSP sa pagpapa-imprenta ng mga ID na nagkakahalaga ng P28 bilyon.
Magpapasa ng resolution in aid of legislation si Tulfo upang imbestigahan ang mga nasabing isyu laban sa BSP at AllCard.
“Ang masaklap, matapos maipaarbor ng PSA sa BSP ang proyekto, ang kontrata ay naipasa naman sa AllCard, Inc. kahit pa ang kumpanyang ito ay dati nang may problema sa iba't ibang ahensya ng gobyerno, tulad ng delay sa pagpapatupad sa kontrata,” paliwanag ni Tulfo.
“Ngayon, sa muli, delayed ulit ang AllCard sa pagpapatupad sa kontrata naman nito sa BSP. Pero hindi lang delayed ang problema ng AllCard kundi nakagawa pa ito ng malaking bulilyaso,” aniya pa.
Ani Tulfo, pumalpak sila sa disenyo ng QR code dahil napakaliit nito at hindi sapat para makapag-store ng mga mahahalagang impormasyon. Dahil dito, may posibilidad na sirain umano nila ang milyun-milyon nang naimprentang mga card para sa bagong disenyo.
Bunsod nito, nakatakdang magpasa ng resolution in aid of legislation si Tulfo para imbestigahan ang mga naturang isyu laban sa BSP at AllCard
Comments