top of page
Search
BULGAR

Madaling mapagod, pagkahilo at pamumutla, sintomas ng anemia

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 7, 2021





Dear Doc. Shane,


Kapag ba mababa ang presyon, ibig sabihin nito ay may anemia? Nang minsang nagpakuha ng dugo ang asawa ko, ang presyon niya ay mababa sapagkat ito ay 95/80 lang. Nag-aalala kaming baka bigla na lang siyang mahilo dahil mababa ang kanyang presyon. Ano ba ang ibig sabihin nito, may gamot ba para rito? – Ranah


Sagot:


Ang anemia ay ang pagkaunti ng red blood cells o ang pagbaba ng hemoglobin sa katawan. Ang dugo natin ay may likido, ito ang tinatawag na serum. Sa serum lumalangoy ang mga red blood cells habang dumadaloy ang dugo sa ating mga ugat. Sa loob ng red blood cells natatagpuan ang hemoglobin, isang protina na nagbibigay ng kulay pula sa red blood cells. Kung halimbawa ay dinurugo ka, nababawasan ang red blood cells sa katawan. Kapag nagpagawa ang doktor ng blood test na ang tawag ay complete blood count, makikitang mas mababa sa normal ang red blood cell count at ang hemoglobin — ito ang tinatawag na anemia.


Maraming puwedeng dahilan ang anemia tulad ng pagdurugo, hindi gumagana ang bone marrow, kaya hindi gumagawa ng bagong dugo, kakulangan ng iron o bitamina sa katawan o red blood cell na pumuputok o sinisira ng sariling immune system ng katawan. Ang karaniwang mga sintomas ng anemia ay madaling mapagod, nahihilo, hinihingal, namumutla, pagsisikip ng dibdib at mabilis na pagtibok ng puso. Ang red blood cells ang nagdadala ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kaya kung kaunti ang red blood cells ay nagkukulang din sa oxygen kaya madaling mapagod, hingalin o madaling mahilo. Ang normal hemoglobin sa mga lalaki ay 13.5 mg/dL at 12 mg/dL para sa mga babae.


Ano naman ang blood pressure?


Ang blood pressure ay sukat ng presyon sa mga ugat sa pagtibok at pagpuno ng dugo ng puso. Kapag tumibok ang puso, ito ang systole kung saan aktibong inilalabas ng puso ang dugo (parang pump) papunta sa ibang parte ng katawan. Pagkatapos nito, ang diastole kung saan kailangang mapuno muna ulit ng dugo ang puso. Kung ang blood pressure ay 120/80, ‘yung unang numero na 120 ang systolic at ang 80 ‘yung ikalawang numero ang diastolic pressure. Ayon sa American Heart Association, ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 120/80 mm Hg. Pre-hypertensive o malapit nang maging hypertensive kung 120-139 over 90-99. Hypertension Stage 1 kung 140-159 over 90-99. Hypertension Stage 2 kung 160 over 100 at mataas pa.


Hindi ibig sabihing dahil 95/80 ang blood pressure ay kulang na sa red blood cell count o mababa ang hemoglobin. Puwedeng mababa ang hemoglobin o red blood cell count pero normal pa ang blood pressure, lalo na kung mild pa lang ang anemia. Bumabagsak lang ang blood pressure kung sobrang kaunti na talaga ang dugo sa katawan. Maipapayo ang magpa-check-up siya sa kanyang doktor.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page