top of page
Search
BULGAR

Madalas na pananakit ng ulo, tiyan, palpitation at pamamantal ng katawan...

Dinanas ng 39-anyos na doktor bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 22, 2021


Nakamit ng Public Attorney’s Office (PAO) at PAO Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) ang pinakaaasam na tagumpay para sa maralitang Pilipino. Saksi ang sambayanan sa igting ng paglaban nang buong puwersa ng PAO, ng aming mga kaisa sa aming adbokasiya, at ng aming mga kliyente sa illegal insertion ng dalawang senador sa 2021 Budget ng PAO na ating tinalakay sa mga nagdaang artikulo. Kaugnay nito, sa isang kumpas ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa pamamagitan ng kanyang pag-veto sa nasabing illegal insertion, mariing naiparating ni Pangulong Duterte na hindi magtatagumpay ang kasamaan sa ating bayan. Ang paglagdang kanyang isinagawa ay gumuhit sa kasaysayan ng ating bansa. Sa pinagdaanan na katatapos lamang na laban ng PAO, napatunayan na ang napakalakas na boses ng masa ay hindi kayang sagkaan ng anumang hangarin na naglalayong pabagsakin ang paghahari ng batas sa ating bayan.


Ipinagbunyi ng PAO ang nakamtang tagumpay sa pamamagitan ng free live online concert na pinamagatang “Salamat, Tatay Digong.” Naisagawa ito sa kagandahang loob ng mga kilalang performers na naghandog ng kanilang mga awitin at suporta —na masigasig na napagtipon ni Direk Njel De Mesa sa nasabing free concert. Lubos ang aming pasasalamat sa kanila, lalo na kay Pangulong Duterte, na nagbigay ng kanyang mensahe. Tumatak sa amin ang sinabi niyang, “To serve our people is an extraordinary honor and privilege. This Thanksgiving concert is a good start to welcome 2021. Let us therefore, foster hope, positivity, and good health as we brave the challenges ahead.” Katulad ni Pangulong Duterte, itinuturing din namin sa PAO na malaking karangalan ang mapagsilbihan ang ating mamamayan. Tinatanggap din namin ang muli’t muling pagharap sa mga pagsubok nang may pananalig sa Diyos, pag-asa at pagkilala sa kabutihang-loob ng karamihan sa ating mamamayan.


Sa naturang free concert, isa sa mga pumailanlang na tinig ay kay Ma’am Dulce. Ang awit niyang “Ako Ang Nasawi, Ako Ang Nagwagi” ay tila naglalarawan sa nakaraang pagsubok sa PAO. Partikular sa aming paghawak ng mga kaso, sa Dengvaxia cases, marami ang literal na nasawi, ngunit inaasahan ko na sa kaparaanan ng langit—na tumama ng mga mali at umaayos ng lahat sa nabanggit sa itaas na illegal insertion — magwawagi rin tayo sa mga kasong ito. Isa sa mga ito, ang kaso ni Dr. Kendrick G. Gotoc.


Si Dr. Gotoc ay 39-anyos nang namatay noong Abril 22, 2018, ang ika-48 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Noong Disyembre 2017, napansin ni Gng. Norma Guico Gotoc, ina ng yumaong doktor na nangangayayat ang kanyang anak. Naganap ito sa ancestral home nila sa Binalonan, Pangasinan habang ang huli ay nagbabakasyon. Ito ay napansin din ng kapatid niyang si Bb. Cristina Gotoc noong Enero 2018, nang magbakasyon doon. Si Cristina ay isang nurse na nagtatrabaho sa Amerika. Umamin sa kanya si Dr. Gotoc na siya ay tatlong beses na naturukan ng Dengvaxia. Nalaman ni Cristina na mula nang naturukan ang kanyang kapatid, ito ay nakararanas ng madalas na pananakit ng ulo, tiyan, kawalan ng ganang kumain, palpitation, pag-ubo at pagtatae. Nakita ni Cristina ang mga pantal sa kanyang katawan at nangingitim din ang kanyang mga kuko. Noong Marso 2018, muling umuwi si Dr. Gotoc sa bahay nila sa Pangasinan. Ayon sa kanyang ina:


“Nang hawakan ko ang braso niya, hindi na niya maitago ang kapayatan niya kahit na siya ay nakasuot ng halos tatlong patong na damit. Ako ay labis na nag-alala at nagalit sa kanya dahil hindi siya nagsasabi sa akin. Nang araw na ‘yun ay tinanong ko si Kendrick kung bakit biglaan ang pagbagsak ng kalusugan niya. Sinagot naman niya ako at matapos kong malaman ang mga ‘yun ay sinabihan ko siya na ang mga nararanasan niyang kakaibang nararamdaman at pagbabago sa kanyang katawan ay parehong sintomas ng mga naturukan ng Dengvaxia. Sinabihan ko siya na tapatin ako upang mapatingnan ko siya sa mga espesiyalista upang siya ay mabigyang lunas.


“Kaya naman sa mga oras na ‘yun ay sinabi niya sa akin na naturukan siya ng Dengvaxia ng tatlong beses. Nanlumo at labis akong nabahala nang malaman ko ‘yun sa aking anak. Sa mga napapanood ko sa balita at nababasa sa social media, nag-alala ako nang labis. Katulad ng palaging salita ni Kendrick, huwag akong mag-alala dahil maayos naman siya. Doktor ang aking anak, kaya pinaniwalaan ko siya na magiging maayos ang pakiramdam niya. Subalit sa aking kalooban, bilang isang ina, ako ay labis na nag-alala sa kalagayan ni Kendrick.”


Ang matinding pag-aalala ng pamilya ni Dr. Gotoc ay humantong sa pagpanaw ng huli noong Abril 22, 2018 sa Quezon City. Lumapit sina Gng. at Bb. Gotoc sa PAO. Ani Gng. Gotoc:


“Nang dahil naturukan si Kendrick ng Dengvaxia, ‘yun ang talagang pinaghihinalaan namin na naging sanhi ng kanyang pagkakasakit. Kami ay lumapit sa PAO para ihingi ng tulong ang pagkamatay ni Kendrick. Hiniling din namin na isailalim ang bangkay niya sa forensic examination.”


Kasama ngayon sa ipinaglalaban naming mga kaso na may kaugnayan sa Dengvaxia ang kaso ni Dr. Gotoc. Malaking bagay ang nakamit na kalayaan ng PAO mula sa gagapos sana sa aming mga kamay na magamit ang kakayanan ng PAO-FLD na makapagbigay ng magandang kalidad ng mga ebidensiya. Ang nasabing mga ebidensiya ay magpapatibay sa mga kaso nina Dr. Gotoc. Dahil dito, kami ay muling nagpapaabot ng taus-pusong pasasalamat sa ating mahal na pangulo.

0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page