top of page
Search
BULGAR

Madalas na pagsakit ng kanyang ulo, pagsakit ng mga mata at iba pa, mga senyales ng glaucoma

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | June 26, 2020



Dear Doc. Shane,

Palaging sumasakit ang aking ulo, pati na ang aking mga mata at para akong nasusuka. Nanlalabo rin ang aking paningin kung saan napapansin ko na parang wala akong makita sa bandang gilid. May kaugnayan ba ang pagsakit ng aking ulo sa panlalabo ng aking paningin?

– Mandy

Sagot


Ang glaucoma ay kondisyon na nagdudulot ng pagkasira sa optic nerves ng mga mata. Ito ay madalas na naiuugnay sa pagtaas ng presyon (intraocular pressure) sa loob ng mata. Kapag tumaas ang presyon, nasisira nito ang mga optic nerves.


Ang mga optic nerves ang nagpapadala ng mga imahe sa ating utak. Kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyon sa loob ng mata at hindi maaagapan, ito ay maaaring magresulta sa pagkabulag.


May dalawang klase ng glaucoma:

  • Ang open-angle glaucoma o tinatawag din na wide-angle glaucoma, ang pinakamadalas na klase ng glaucoma. Ang istruktura ng mga mata ay maaaring mukhang normal, ngunit hindi maayos ang pagdaloy ng likido papunta sa natutuyong mga mata.

  • Ang angle-closure glaucoma naman o ang tinatawag ding acute o chronic angle-closure o narrow-angle glaucoma ay hindi karaniwan. Ngunit ito ay maaaring magdulot ng biglang pagkaipon ng presyon sa mga mata at hindi rin gaanong maayos ang drainage dito dahil masyado makitid ang daanan ng likido.


Karamihan sa mga taong may glaucoma ay walang nararamdamang sintomas sa pag-umpisa ng sakit. Ang madalas na unang senyales nito ay ang pagkawala ng peripheral o side vision. Ngunit madalas, ito ay napapansin lamang kapag malala na ang sakit.


Sa biglang pagtaas ng presyon sa mga mata, ito ay madalas na nagdudulot ng biglang pagsakit ng mga mata, pagsakit ng ulo, panlalabo ng paningin o ang pagkakakita ng halo o nimbo sa paligid ng ilaw, pagkahilo at pagsusuka, pamumula ng mga mata o pagkabulag.


Sinu-sino ang madalas tinatamaan nito?

  • May edad 45 at pataas

  • May history ng glaucoma sa pamilya

  • Diabetic

  • Nagkaroon na ng mataas na intraocular pressure

  • Nagkaroon na ng pinsala sa mata

  • May nearsightedness (myopia)

  • May far sightedness (hyperopia)

  • Gumagamit ng Cortisone (steroid) sa mata man o systematically (iniinom o iniineksyon)

  • Naninigarilyo

  • May sleep apnea


Paano ito ginagamot?


Ang glaucoma ay nilulunasan sa pamamagitan ng paggamit ng eyedrops, laser surgery o microsurgery.


  • Ang paggamit ng eyedrops ay maaaring makatulong sa pamamagitan ng pagbawas sa produksiyon ng likido sa mata at pagpapabilis sa paglabas nito. Ito ay makakatulong sa pag-iwas o paglala ng glaucoma. Mahalagang magkaroon ng routine o schedule ang iyong paglalagay ng eyedrops upang maiwasang makalimutan ito.

  • Ang laser surgery naman ay nakakatulong sa pamamagitan ng pagtaas ng outflow ng likido sa open-angle glaucoma o ang pag-alis ng bara sa angle-closure glaucoma.

  • Sa microsurgery operation, gumagawa ng bagong daanan o daluyan ang doktor para sa likido sa loob ng mga mata upang ma-drain ito at bumaba ang presyon. Para sa iba, ang glaucoma implant ang pinakamagandang operasyon. Ngunit ito ay maaaring magdulot ng panandalian o permanenteng pagkabulag, pagdudugo o impeksiyon.


Paano ito maiiwasan?


  • Mainam na magkaroon ng balanced diet. Kumain ng masusustansiyang pagkain at iwasan ang matatabang pagkain o pagkaing mataas ang saturated fat content, salt at sugar.

  • Ugaliin nating kumain ng prutas at gulay na high in fiber. Ang pagkakaroon ng healthy lifestyle, kasama ang tamang diet.

  • Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo at sapat na tulog o pahinga.

  • Iwasang ma-trauma ang mga mata at magpasuri tuwing magkaroon ng taunang physical exam.


Dahil walang sintomas ang glaucoma, kailangang i-monitor ang iyong mga mata upang malaman kung ang treatment ay epektibo. Kung hindi ito epektibo, ang pressure sa iyong mga mata ay maaaring tumaas at maging sanhi ng iyong pagkabulag.


Malalaman ng mga ophthalmologist kung mayroong pagkasira ang mga mata o paningin. Kung gumagamit ng eyedrops sa paglunas ng glaucoma, mahalagang sundin ang payo ng doktor at inumin ang mga iniresetang gamot upang maging epektibo ang paggagamot sa iyo.


Kailangan mong pumunta sa iyong doktor ng mas madalas. Maaaring tuwing 1 hanggang 4 months upang masuri kung epektibo ang medical treatment sa iyo at kung stable na ang pressure sa iyong mga mata.


Ang mga pagbabago sa paningin na resulta ng glaucoma ay kadalasang permanente o hindi na maibabalik ang normal na paningin. Kaya naman, ang regular na pagpapa-check-up ng mga mata ay mahalaga sa pag-iwas ng pagkasira ng paningin.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page