ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | Marso 28, 2024
Dear Maestro,
Kasalukuyan pa akong nag-aaral sa kolehiyo. Ang problema, may girlfriend ako at niyayaya na niya akong magpakasal dahil madalas nang may nangyayari sa amin.
Nais kong malaman kung sa panahon ngayon, dapat na ba akong mag-asawa at kung mag-aasawa na ako, aasenso rin ba ang buhay ko kapag ako ay nagkaroon ng sariling pamilya? September 9, 2002 ang birthday ko.
Umaasa,
Jerald ng San Andres, Alaminos, Laguna
Dear Jerald,
Alam mo, noong nag-asawa ko, hindi ko itinanong sa Inang Talia ko at maging si Tatang Sucing ko kung dapat na ba akong mag-asawa. Hindi ko rin ito tinanong sa mga kamag-anak, kaibigan at maging sa mga kapitbahay namin. Sa halip, nagpasya akong mag-isa na mag-aasawa na ako. Nang panahong iyon, madalas akong nakakaramdam ng kalungkutan at pag-iisa sa tahimik na silid ko sa itaas ng bahay namin, lalo na pagsapit ng gabi at wala akong makausap. Ang masaklap, kahit nakakasama ko sa aking silid ang alaga kong pusa na si Mingming, hindi naman siya nagsasalita, ngiyaw lang nang ngiyaw at parating naghahanap ng daga. Ibig sabihin sa tanong na, “Dapat na ba akong mag-asawa?” Isa lang ang sagot, at hindi si Maestro Honorio Ong ang dapat mong tanungin ng ganyang tanong, bagkus ang dapat mong tanungin ay ang iyong sarili.
Dahil personal na bagay sa buhay ng isang lalaki ang pag-aasawa, kaya hindi ito dapat idepende sa desisyon ng ibang tao. Sa halip, mamayang gabi, bago ka matulog, humarap ka muna sa salamin at tanungin mo ang iyong sarili kung dapat ka na nga bang mag-asawa?
Anuman ang tugon ng munting tinig sa loob ng iyong kalooban, ‘yun ang sundin mo. Sa ganyang paraan, sa pag-aasawa, dahil ikaw mismo ang nagdesisyon at nagpasya, siguradong higit kang magtatagumpay at liligaya.
Pero malamang, mamayang gabi kapag tinanong mo na ang iyong sarili, tiyak na “hindi” ang isasagot mo. Alam mo kung bakit? Sa edad mong 21, tunay ngang hindi ka pa pang-asawa. Dahil malamang ang unconscious self mo ang tumututol, kaya ang isasagot niya ay “hindi,” na nangangahulugang hindi ka pa dapat mag-asawa dahil batid niyang marami ka pang dapat gawin bilang isang nagbibinatang lalaki.
Tandaang tulad ng sinasabi sa aklat ng Ecclesiastes, na tinatawag ding aklat ng Mangangaral sa Bible, na sinulat ni Haring Solomon, may takdang panahon sa lahat ng bagay sa silong ng langit, “For everything there is a season, and a time for every purpose under the heavens” (Ecclesiastes 3:1-1).Kapag nagkamali ka ng “timing” sa bawat panukala na iyong gagawin, malamang na mabigo ka lamang. Ngunit kung tama ka ng page-execute ng isang mahalagang aktibidades sa iyong buhay, sa tamang pagkakataon at panahon, mas malaki ang tsansang magtatagumpay ka at mas magiging mabunga ang anumang gawaing ipinatupad sa tama at eksaktong panahon. Halimbawa, kung mag-aani ka ng palay, ‘wag mong itatapat sa tag-ulan dahil mababasa at mabubulok lamang ang palay mo.
Ganundin sa pag-aasawa at pagtayo ng pamilya, kung ang panahong ito sa buhay mo ay para sa pag-aaral at pagbuo ng career, bakit mo naman sasabayan ng pag-aasawa?
Kapag ginawa mo ‘yan, nagsisimula ka pa lang, parang palpak at may mali na agad dahil ginawa mo ang isang bagay na hindi naman nakaayon sa kanyang eksaktong kapanahunan.
Tandaang kapag ginawa mo ang isang bagay na eksakto sa timing, nasa 98% ka na agad na ikaw ay magtatagumpay at magiging maligaya. Ganundin sa pagtatayo ng pamilya, bago mo ito gawin, lalo na kung ikaw ay isang lalaki na magiging head of the family balang-araw, kailangan bago mo ito itayo, dapat may stable job ka na, matured na dapat ang isip at damdamin mo.
Sa ganu’ng paraan, “proper timing” o nasa tamang panahon ang pag-aasawa, 100% magtatagumpay ka at habambuhay na magiging maligaya.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, Jerald, ang tamang panahon ng pag-aasawa ay sa taong 2029. Sa panahong tinuran o sa edad mong 27 pataas, tiyak ang magaganap – ang nasabing pag-aasawa na itinugma sa tamang panahon ay tiyak na mamumunga ng isang maunlad, successful at maligayang pagpapamilya habambuhay.
留言