ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 2, 2023
Ang estado ng kalusugan ng mga mamamayan sa isang bansa ay isang batayan din ng kalagayan ng kalidad ng buhay. Kaya para sa akin, bilang Chair ng Senate Committee on Health at Vice Chair ng Finance Committee, dapat maglaan ang pamahalaan ng sapat na pondo sa mga programang pangkalusugan na pinamumunuan ng Department of Health.
Kailangang matiyak na maging ang pinakamahihirap nating kababayan, mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan ay may access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Kaya nababahala ako sa panukala na bawasan ng P10 bilyon ang budget ng DOH sa 2024 lalo pa at bumabangon pa lang tayo mula sa pandemya at mas kailangan natin na palakasin pa ang ating healthcare system upang maging mas handa sa anumang krisis na maaaring dumating.
Nagulat tayo nang dumating ang COVID-19 sa ating buhay. Nakita natin ang kakulangan ng ating sistemang pangkalusugan. Gayunpaman, naging oportunidad din ito para masilayan natin ang mga dapat mas pagtuunan ng pansin upang maging mas handa tayo. At dahil dito, sabi ko nga, ‘the more we should invest sa ating healthcare system.’
Noong isang taon ay ipinaglaban natin na madagdagan ang budget ng DOH, na mula sa P296 bilyon ay naging P316 bilyon ang kanilang 2023 budget. Noong 2019 naman bago dumating ang pandemya ay muntik ding binawasan ang budget para sa Research Institute for Tropical Medicine. Hindi po tayo pumayag. In fact, dinagdagan pa natin sila noong budget deliberations.
Tama nga ang kutob ko, sino ba ang mag-aakala na ang RITM ang magiging isa sa pinakaimportanteng opisina sa panahon ng pandemya? Ang RITM din ang may kakayahan na mag-test ng iba pang nakahahawang sakit bukod sa COVID-19.
Isinulong din natin ang paglalaan ng karagdagdang budget para sa Cancer Assistance Fund. Ang Cancer Assistance Fund ay wala noon sa proposed budget ng 2023. Maganda na napondohan ito ng Lower House, at dinadagdagan pa namin sa Senado. Para naman sa susunod na taon, isusulong ko na madoble ito dahil alam naman natin na ang hirap magkasakit ng cancer, magastos, at talagang pilay ang pamilya lalo na ang mahihirap.
Bukod pa sa pagdadagdag ng budget pangkalusugan, hindi rin tayo titigil sa ating hangarin na ilapit ang serbisyo medikal ng gobyerno sa mga nangangailangan nito saan man sila naroroon sa bansa at anuman ang kanilang estado sa buhay.
Una na rito ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers na ating isinulong at naisabatas noon bilang principal sponsor at pangunahing may-akda. Sa kasalukuyan ay mayroon ng 158 Malasakit Centers, at mahigit pitong milyong Pilipino na ang natulungan nito ayon sa datos ng DOH.
Pangalawa ay ang pagkakaroon ng Regional Specialty Centers sa mga regional hospitals ng DOH na atin ding isinulong na maisabatas kamakailan lamang bilang principal sponsor at isa sa mga may akda nito. Ang Regional Specialty Centers Act ay multi-year plan para ilapit ang specialized medical services sa ating mga kababayan. Halimbawa, ang may sakit sa puso, hindi na kailangang sa Maynila pa magpaopera dahil doon na siya pupunta sa DOH regional hospital na malapit sa kanilang lugar.
Pangatlo naman ay ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa iba’t ibang sulok ng bansa na ating sinikap na mapondohan. Ang Super Health Center naman ay medium type version ng polyclinic, at improved version ng rural health unit. Sa SHC ay mapagkakalooban ang pasyente ng primary care, konsultasyon at early detection ng kanyang sakit. May 307 na napondohan noong 2022 at 322 naman ngayong taon.
Itinatayo ito sa mga strategic areas na natukoy ng DOH.
Masaya kong ibinabalita na kahapon, September 1, ay nagkaroon na ng groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Hilongos, Leyte; at sa Nabas, Aklan. Dinaluhan din ng aking opisina ang inauguration and blessing ng Super Health Center sa Dinalupihan, Bataan.
Nitong August 31, nagkaroon na rin ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa Lian, Batangas habang nagkaroon din ng blessing and turnover ng Super Health Center sa Calatagan, Batangas na aking unang binisita noong November 2022.
Bukod pa sa ating mga adhikaing pangkalusugan, hindi tayo tumitigil sa ating mga gawain sa labas ng Senado lalo na ang paglalapit ng serbisyo at paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan.
Guest speaker tayo sa ginanap na 23rd National Midyear Convention of the Philippine Academy of Family Physicians noong August 31 sa SMX Convention Center Lanang, Davao City.
Pinasalamatan natin ang mga family physicians sa kanilang naging sakripisyo noong pandemya at hanggang ngayon para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino.
Patuloy din ang ating suporta sa bawat laro ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup, bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Sports.
Tuluy-tuloy naman ang aking tanggapan sa pag-alalay sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Naayudahan ang 650 residente ng Bgy. Napnapan, Pantukan, Davao de Oro na naging biktima ng pagbaha.
May mga nakatanggap ng tulong sa ilalim ng DTI Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (DTI-PPG) na isang programang ating isinulong noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte at ipinagpapatuloy na suportahan ang implementasyon ngayon. Kasama rito ang 15 benepisyaryo sa Lemery, Iloilo; 43 sa Roxas City, Capiz; at 40 pa sa Libacao, Aklan. Bukod sa pangkabuhayan, nagbigay rin ako ng personal na tulong at suporta sa kanila.
Katuwang naman ang TESDA, naalalayan natin ang 25 benepisyaryo sa Bgy. Pulanglupa, Trento, Agusan del Sur.
Bukod naman sa Emergency Housing Assistance Program mula National Housing Authority ay nagbigay tayo ng dagdag na tulong sa 16 residente ng Caloocan City. Ang programang EHAP na ating isinulong noon at patuloy na sinusuportahan ngayon ay nagbibigay ng tulong para pambili ng yero, pako at iba pang materyales na pampaayos ng bahay ng mga biktima ng krisis.
Namahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa mga naging benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE tulad ng 269 na mahihirap sa Baliwag, at 150 sa Bustos, mga lugar sa Bulacan.
Ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. Kaya bilang lingkod bayan, tutulong ako sa abot ng aking makakaya at sisikapin kong mas ilapit pa ang serbisyo ng gobyerno sa mga taong nangangailangan nito -- lalo na ang mga mahihirap at biktima ng krisis.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Komentāri