top of page
Search
BULGAR

Mabuting kalusugan, katumbas ng mas maayos na buhay

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 04, 2023


Laging nangunguna sa ating prayoridad bilang chair ng Senate Committee on Health ang pangangalaga sa kalusugan ng bawat Pilipino. Hindi tayo tumitigil sa ating layunin na mailapit ang abot-kayang serbisyo medikal sa ating mga kababayan nasaan man sila sa ating bansa, lalo na sa mga mahihirap, hopeless, helpless at walang ibang malalapitan maliban sa gobyerno.


Patuloy tayo sa ating layunin na mas mapalakas pa ang ating healthcare system sa paniniwalang ang proteksyon sa kalusugan ay magdudulot ng mas maayos na buhay para sa bawat Pilipino.


Kaya sa ginanap na pagdinig noong September 28, bilang vice chair ng Senate Committee on Finance, nanawagan tayo upang madagdagan ang panukalang budget ng Department of Health sa 2024 para matiyak ang maayos na pagpapatupad ng ilan sa ating mga inisyatibo tulad ng bagong batas na Republic Act No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, gayundin ang pagpapatayo ng mas marami pang Super Health Centers sa komunidad, at ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers sa buong bansa.


Napakahalaga ng Regional Specialty Centers Act, na tayo ang naging principal sponsor sa Senado at isa sa mga may-akda. Masaya ako na priority din ito ng kasalukuyang administrasyon, at nakakuha naman ng 24-0 na boto sa Senado. Sinuportahan ito ng lahat ng kapwa ko senador dahil naipaliwanag nating mabuti na makatutulong talaga ito sa mga kababayan nating mahihirap lalo na sa probinsya. Naging ganap na batas ito matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong August 24.


Karamihan sa mga specialty centers, gaya ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines at Philippine Children’s Medical Center, ay nasa Metro Manila. Layunin ng bagong batas na makapagtatag ng specialty centers sa mga regional hospitals ng DOH. Hindi na mahihirapan ang mga pasyente sa pagbiyahe at sa dagdag na gastos tulad ng pamasahe at matutuluyan kung ilalapit na sa kanila ang mga specialty centers na ito na ang kalidad ng serbisyo, kakayahan ng mga personnel at equipment ay katulad din ng mga nasa Metro Manila.


Pero para maisakatuparan ito, kailangan ang sapat na pondo lalo na sa 2024 para matiyak ang maayos na inisyal na implementasyon ng naturang batas, gayundin sa mga susunod pang taon.


Bukod dito, sa ginanap na budget hearing ay binigyang-diin din natin na mahalaga na may sapat na pondo para sa mga pasyenteng may sakit na cancer, tuberculosis, at maging ang mga dumaranas ng mental health disorder.


Tinukoy natin na ang Cancer Assistance Fund (CAF) ngayong 2023 ay nasa P500 milyon na naipagkaloob sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng mga mambabatas noong isang taon.


Ngayon naman ay ipinanukala natin na doblehin ito at gawing P1 bilyon para sa 2024.


Gayunpaman, nagpahayag tayo ng pangamba na hindi masyadong nagagamit ang naturang pondo. Kaya apela ko sa DOH, pakisilip ito. Sa rami ng cancer patients na nangangailangan ng tulong, hindi katanggap-tanggap na hindi magastos ang pondo sa pagtulong sa kanila. Talagang napipilayan ang pamilya tuwing may nagkakakanser sa kanila dahil halos hindi na nakakapagtrabaho, at naka-focus na sa pagpapagamot.


Malaking tulong naman ang expanded hemodialysis package ng PhilHealth para sa mga may chronic kidney disease (CKD) stage 5. Mula sa 90 sessions ay ginawa na itong 156 sessions kada taon. Alinsunod ito sa standard dialysis requirement ng isang pasyente na mayroon siya dapat na tatlong sessions kada linggo. Para ma-avail ang package, ang pasyente ay dapat na inirekomenda ng isang licensed doctor para sumailalim sa hemodialysis. Dapat ding nakatala siya sa database ng PhilHealth.


Isa pa rin sa hindi dapat balewalain ay ang mental health ng ating mga kababayan.


Noong panahon ng pandemya ay marami ang nakaranas ng depression at apektado ang mental health. May panawagan ang PhilHealth na dagdagan pa ang kanilang pondo para sa mental health services, at suportado natin ito.


Noong September 11 ay pumasa na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2200, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na isa tayo sa co-authors at co-sponsors. Kapag naging ganap na batas, layunin nito na magtayo ng Mental Health and Well-Being Center sa public and private K-12 schools. Suportado rin nito ang learning recovery plan ng Department of Education, at ang paglikha ng bago at permanenteng posisyon para sa Guidance Counselor at Guidance Associate sa mga paaralan. Isa itong mahalagang panukala dahil magsisilbi itong lifeline ng ating young learners sa kinakaharap natin na mental health issues na hindi dapat balewalain.


Samantala, tuluy-tuloy tayo sa iba pa nating gawain sa labas ng Senado at sa ating paghahatid ng tulong sa mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Bilang pakikiisa sa selebrasyon ng paggunita at pasasalamat sa ating mga Pilipinong guro, personal akong dumalo sa Konsyerto sa Palasyo na may temang "Para sa mahal nating mga Guro" na ginanap sa Malacañang Palace nitong October 1.


Ang pagtitipon ay handog ni Pangulong Marcos, Jr. para sa ating mga guro, kasama sina First Lady Liza Marcos, Vice President Sara Duterte, mga kapwa ko mambabatas, at ilan pang government officials.


Noong September 30 ay sumama naman tayo sa pamamahagi ng food packs sa 657 female detainees sa Camp Karingal, Quezon City kasama ang OFW Partylist.


Nagkaloob naman ng tulong para sa 127 residente ng Bgy. Arkong Bato, Valenzuela City na naging biktima ng sunog kamakailan. Sila ay benepisyaryo ng National Housing Authority sa pamamagitan ng programang nagbibigay ng pambili ng housing materials gaya ng pako at yero ang mga nasunugan na ating isinulong noon at patuloy na sinusuportahan.


Hindi ako pulitikong nangangako, pero gagawin ko sa abot ng aking makakaya at kapasidad ang patuloy na pagtulong, pagmamalasakit at pagseserbisyo sa inyong lahat, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan, pagdating sa usaping pangkalusugan.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page