ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 4, 2024
Nagpapasalamat ako sa ating Panginoon, kay Allah, sa biyaya ng buhay at pagkakataong makapagserbisyo pa sa aking mga kapwa Pilipino!
Noon Lunes, December 2, habang papunta ako sa Mabitac, Laguna para personal na saksihan ang pagbubukas ng bagong tayong Super Health Center doon, napilitan ang piloto ng helicopter na aming sinasakyan na mag-emergency landing sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Pililla, Rizal dahil sa zero visibility. Sa sobrang lakas ng hangin, ulan at kapal ng fog, muntik na naming matamaan ang windmills doon!
Sa totoo lang, pangatlong pagkakataon na ito na muntik na akong madisgrasya dahil sa pagtupad ko sa aking tungkulin bilang lingkod-bayan. Totoo na God is good all the time! Basta maganda ang layunin mo, hindi ka Niya pababayaan. May good karma talaga ang pagtulong sa mga tao.
Kapag oras mo na, oras mo na talaga. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang pagprotekta sa akin at sa aking mga kasama. Kapag sa Panginoon ka nakasandal, walang dapat ikatakot na magbuwis ng buhay sa ngalan ng pagseserbisyo para sa mga kapwa ko Pilipino, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan at higit na nangangailangan.
Naniniwala ako na isang malaking karangalan ang mabuhay at mamatay na nagsisilbi para sa ating bayan.
Gaya ng madalas kong sabihin, isang beses lang tayong dadaan sa mundong ito, kaya kung anumang kabutihan o tulong ang puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito.
Kaya basta kaya ng aking oras at katawan, wala akong sinasayang na panahon para makapaghatid ng tulong sa abot ng aking makakaya sa ating mga kababayan. Bumisita tayo noong November 30 sa lalawigan ng Rizal at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,226 estudyante ng mga bayan ng Angono at Taytay. Sa ating inisyatiba at pakikipagtuwang kay Gov. Nina Ynares at sa national government, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal. Sinaksihan din natin ang ribbon cutting ceremony ng Super Health Center sa Angono.
Naging guest of honor and speaker tayo sa Philippine Association of Thoracic, Cardiac, and Vascular Surgery, Incorporated (PATACSI) Annual Convention and Induction Ceremony na ginanap sa Pasig City. Bilang chair ng Senate Committee on Health, tinitiyak natin ang patuloy na suporta sa ating health professionals.
Sinaksihan naman natin ang pamamahagi ng tulong ng aking Malasakit Team para sa 1,000 mahihirap na residente ng Sison, Pangasinan katuwang si Mayor Danilo Uy.
Nakiisa rin tayo sa pamamagitan ng video call sa ginanap na League of Municipalities of the Philippines (LMP) Bukidnon Chapter Year End Assessment sa Cebu City.
Noong December 2 rin, hindi man natuloy ang aking pagbisita sa Mabitac, Laguna, nirepresenta ako ng aking opisina sa pagbubukas ng bagong Super Health Center kung saan nakiisa ako sa pamamagitan ng video call at nagpamahagi rin kami ng tulong tulad ng foodpacks sa mga health worker at empleyado ng LGU doon.
Nang umayos na ang panahon, sinikap nating makabiyahe sa Nasugbu, Batangas upang suportahan ang mga local youth leaders sa ginanap na 2024 National Youth Convention ng National Youth Commission sa paanyaya ni NYC Chair Jeff Ortega. Bilang tayo ang chairperson ng Senate Committee on Youth, ibinahagi natin ang mga programa na ating ipinaglaban para sa kapakanan ng mga kabataan na future leaders at pag-asa ng ating bayan.
Dumalo rin tayo sa LMP Bohol Chapter Year End Assessment sa imbitasyon ni Mayor Eping Estavilla na ginanap sa Parañaque City. Nakiisa rin tayo sa Christmas fellowship ng Parañaque City government kasama sina Cong. Edwin Olivarez, Cong. Gus Tambunting, Mayor Eric Olivarez, at Vice Mayor Joan Villafuerte.
Kahapon, nakiisa tayo sa ginanap na Philippine Councilors League Year End Assembly sa imbitasyon ni PCL National Chairman Coun. Raul Corro. Nakisaya rin tayo sa ating mga mamamahayag sa idinaos na Senate Media Christmas gathering.
Sinaksihan naman ng aking opisina ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Brgy. Lamacan, Argao, Cebu kasama si Mayor Allan Sesaldo.
Sa patuloy na paghahatid ng aking Malasakit Team ng tulong, nakapamahagi tayo para sa 300 mahihirap na residente ng Kalibo, Aklan katuwang si VG Boy Quimpo. Nabigyan din natin ng dagdag na tulong ang 128 scholars ng Kalinga State University.
Patuloy na magseserbisyo sa inyo ang inyong Senator Kuya Bong Go dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments