ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 8, 2022
Isang mainit na pagbati sa lahat ng ina at nagsisilbing nanay sa ating araw ngayon. Mabuhay ang mga ilaw ng tahanan, ang mga unang guro, at katuwang sa pagpapaunlad ng lipunan!
☻☻☻
Bukas naman po, Mayo 9, ay kikilos tayo upang gawin ang isa sa mga pinakasagrado nating tungkulin at responsibilidad, ang bumoto.
Atin pong tandaan na bukas ang mga voting center mula 6:00 AM hanggang 7:00 PM upang mapangalagaan ang ating kalusugan, dahil nasa pandemya pa rin tayo.
Kung maaari po ay ihanda na natin ang ating kodigo upang mabilis tayong makaboto at hindi na magtagal sa loob ng voting center. I-double check din natin ang lokasyon ng ating voting center, at tiyakin na ang ating pangalan ay kasama sa listahan ng mga botante.
☻☻☻
Sa araw ng botohan ay kailangan pa ring magsuot ng face mask. ‘Di naman kailangang magpakita ng vaccination card o negatibong COVID-19 test upang makaboto. Ngunit, itse-check pa rin ang inyong temperatura bago pumasok sa voting center.
Pagdating sa inyong presinto ay lumapit sa sinumang miyembro ng electoral board at sabihin ang inyong pangalan, precinct number, at iba pang kinakailangang impormasyon. Mas mainam kung may dala kayong ID upang mapabilis ang proseso ng pagkakakilanlan.
Pagkatapos ay pirmahan ang Election Day Computerized Voters List (EDCVL) at tanggapin ang inyong balota. Tingnan kung may punit, may marka, o shade ang balota, kung meron ay huwag itong tanggapin.
Pumunta sa area kung saan puwedeng punan ang balota. I-shade nang buo ang bilog na nasa tabi ng pangalan ng kandidatong napupusuan ninyo. Bomoto lamang ayon sa hinihinging bilang ng pwesto, kung mas marami sa hinihingi ay overvoting ito at hindi maaari. Ngunit pwede naman ang undervoting o yung pagboto ng mas mababa sa hinihinging bilang.
Kung tapos na ay ipasok sa Vote Counting Machine (VCM) ang inyong balota at tingnan ang resibo kung tama ang resulta. Kung tama ay ihulog ito sa tamang lalagyan. Kung hindi naman ay maaari mo itong ireklamo sa chairman ng electoral board upang maisama sa record ng official protest.
Huwag din kalilimutan na palagyan ng indelible ink ang inyong kanang hintuturo.
☻☻☻
Nakasalalay sa ating mga kamay ang magiging direksyon ng ating bansa sa hinaharap, kung kaya’t ang panalangin at panawagan ko, gamitin natin ito ng mahusay. Huwag tayong magpapadala sa takot, sa pera, o dahas.
Isipin natin ang kinabukasan ng ating mga anak, mga apo, at mga susunod pang henerasyon kung kaya't pag-isipang mabuti ang mga ihahalal na lider ng bansa.
Iisa lamang ang boto ng bawat Pilipino, ngunit sa pinagsamang lakas natin, makakamit natin isang maunlad, progresibo, at maipagmamalaki nating bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Commentaires